412 total views
Nagpaabot ng pakikiramay ang Global Catholic Climate Movement-Pilipinas kaugnay sa pagpanaw ni Fr. Dexter Toledo, OFM na naglingkod bilang Vice-Chairperson ng grupo noong itinatag ito taong 2016.
Sa pahayag ni GCCM-Pilipinas Chairperson Fr. John Leydon, nakikiramay ito sa naiwang pamilya at kasamahan sa Franciscan Order sa maagang pagpanaw ni Fr. Toledo.
“I would like to express condolence to the family of Fr. Dexter Toledo OFM, and to the Franciscan Community on the occasion of his untimely death,” bahagi ng pahayag ni Fr. Leydon sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Leydon, si Fr. Toledo ay kilalang masigasig sa pagpapalaganap ng kanyang adbokasiya sa pangangalaga ng kalikasan, bilang anchor priest ng Radyo Veritas—isang huwaran ng pagiging tapat ng pari sa kanyang tungkulin bilang alagad ni San Francisco de Asisi-patron ng kalikasan.
(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});
“Fr. Dexter was always active in his media work with Radio Veritas in promoting ecological awareness, true to his calling as a disciple of St. Francis,” ayon kay Fr. Leydon.
Si Fr. Toledo ay nagsilbing National Coordinator ng Ecological Justice Interfaith Movement at dating Co-Executive Secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines mula 2014 hanggang 2018.
Si Fr. Toledo rin ang kasalukuyang Provincial Secretary General ng Order of Friars Minor-Philippine Province of San Pedro Bautista at Director ng Franciscan Communications Office.
Kabilang si Fr. Toledo sa mga anchor priest ng Radyo Veritas sa programang Barangay Simbayanan–Thursday Edition kasama ni Ms. Angelique Lazo-Mayuga na tumatalakay sa mga usaping pangkalikasan.
Pumanaw ang pari noong Lunes, February 8, 2021 sa edad na 37-taong gulang.