376 total views
Nagluluksa ang buong kongregasyon kabilang na ang mga Francisco sa Roma sa pagpanaw ng ecological priest na si Fr. Dexter Toledo, OFM.
Ayon kay Fr. Cielito Almazan, OFM –Minister Provincial ng Order of Friars Minor Philippines–Province of San Pedro Bautista, nagdadalamhati rin maging ang minister general at mga kasapi ng kongregasyon sa Roma sa pagpanaw ni Fr. Toledo na kilala kanyang kakayahan at dedikasyon na maipalaganap hindi lamang ang Ebanghelyo kundi ang bokasyon sa pagiging tunay na Franciscano.
“Tanyag din ang kanyang abilidad sa buong Order ng Franciscano kaya yung aming pinakamataas na pinuno yung aming Minister General nagpahayag din ng kanyang mensahe na talagang he also misses the presence (of Fr. Dexter Toledo), malungkot din sila sa aming headquarters sa Rome,” ang pagbabahagi ni Fr. Almazan.
Dagdag pa ni Fr. Almazan, hindi madaling makahanap ng kahalili na tulad ni Fr. Toledo dahil sa kaniyang angking husay sa pagtupad ng tungkulin para sa kabutihan ng Kongregasyon at ng Simbahang Katolika.
Kinilala rin ni Fr. Almazan na siya ring Co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) ang malaking ambag ni Fr. Toledo sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga usaping panlipunan at pagbibigay diin sa mga aral sa Encyclical ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si.
“Mahirap maghanap ng katulad niya na very talented, talagang nagbibigay sa akin ng cue kung may nakakalimutan ako para mas maganda ang serbisyo ko bilang lider ng mga Franciscano dito sa San Pedro de Bautista.” Dagdag pa ni Fr. Almazan.
Si Fr. Toledo ay nagsilbi bilang Provincial Secretary ng Order of Friars Minor Philippines at ang Director ng OFM Provincial House.
Naglingkod rin si Fr. Toledo sa Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) bilang Co-Executive Secretary noong 2014 hanggang 2015 at 2017 hanggang 2018 kung saan siya ay naging aktibo sa pagbabantay sa mga usaping panlipunan na higit na nakakaapekto sa buhay ng bawat mamamayang Filipino.
Naglingko rin si Fr. Toledo bilang National Coordinator ng Ecological Justice Interfaith Movement at isa sa mga nagtatag ng Global Catholic Climate Movement – Pilipinas.
Isa rin si Fr. Toledo sa mga regular na anchor priest ng himpilan ng Radyo ng Veritas para sa programang Barangay Simbayanan– Thursday Edition kasama ni Ms. Angelique Lazo-Mayuga na tumatalakay sa mga usaping pangkalikasan at pangkalusugan.
Si Fr. Toledo ay nakatakdang ilibing sa February 12 sa La Loma Catholic Cemetery.