459 total views
Mga Kapanalig, sang-ayon ba kayo sa mandatory na pagpaparehistro ng mga non-government organizations (o NGO) bago sila makapagsagawa ng anumang aktibidad sa isang lugar?
Kamakailan lamang ay naglabas ang Kalinga Provincial Task Force To End Local Communist Armed Conflict (o PTF-ELCAC) ng resolusyong nagsasabing kailangan munang magparehistro sa pamahalaang panlalawigan ang mga NGO bago magsagawa ng anumang aktibidad sa probinsya. Kasabay ng resolusyong ito ang paglabas ng listahan ng diumano’y “sectoral front organizations” ng mga rebeldeng grupo. Kasama sa listahan ang labinwalong lehitimong mga NGO sa Cordillera Administrative Region. Ang listahang ito ay nagmula umano sa 50th Infantry Battalion ng Philippine Army. Mariing kinondena naman ito ng human rights groups na Karapatan at Cordillera Human Rights Alliance (o CHRA). Anila, ang mandatory registration ng mga NGO upang makapagsagawa ng kanilang mga aktibidad ay labag sa kalayaan ng asosasyon o freedom of association. Ang freedom of association ay karapatan ng mga indibidwal na mag-organisa, bumuo, at lumahok sa mga samahan, at nakasaad ito sa Universal Declaration of Human Rights.
Ayon sa Karapatan, ang nasabing resolusyon ay taliwas sa mga batas pandaigdig at pamantayan ng karapatang pantao. Ang malayang pagsasamahan ay napakahalaga raw sa mga civil society organization (o CSO) katulad ng mga NGOs at people’s organizations upang maisagawa at maisulong ang kani-kanilang serbisyo at adbokasiya, lalo na sa pagtataguyod ng karapatang pantao, katarungang panlipunan (o social justice), at sustenableng pag-unlad (o sustainable development). Dagdag ng Karapatan, ang mga organisasyong nasa listahan ay naging instrumental sa pagtatanggol ng mga karapatang pantao, lalo na ng mga katutubo sa Cordillera. Sa pamamagitan ng pagre-red-tag sa mga NGOs, inilalagay ng PTF-ELCAC sa panganib ang mga grupong ito at nilalantad sila sa mga pagbabanta, pananakot, at pangha-harass. Ang mga limitasyong ipinapataw sa mga organisasyon at ang red-tagging na ginagawa ay nakapipinsala sa kakayahan nilang magbigay-serbisyo lalo na sa mga nangangailangan.
Ayon sa mga CSOs, standard procedure na nila ang pagbibigay-alam sa lokal na pamahalaan at komunidad ng kanilang mga aktibidad bago ito isagawa. Ngunit nakababahala na nanggaling ang resolusyon na mandatory registration ng NGOs sa panlalawigang sangay ng NTF-ELCAC. At mas lalong nakababahala ang red-tagging ng mga organisasyong matagal nang tumutulong sa mga komunidad. Ang NTF-ELCAC ay kilala sa paggamit ng red-tagging upang akusahang may ugnayan sa rebeldeng grupo ang mga aktibista, mamamahayag, human rights groups, labor unions, environmental defenders, at mga kritiko ng gobyerno.
Ayon sa UN Special Rapporteur sa freedom of association, anumang organisasyon, rehistrado man o hindi, ay may karapatang magsagawa ng mga legal na aktibidad. Hindi dapat ginagamit ang pagpaparehistro upang bigyan ng permiso ang pagsasagawa ng mga aktibidad na wala namang nilalabag na batas. At hindi dapat ito gamitin para pigilan o hadlangan ang mga organisasyong kritikal sa gobyerno.
Kinikilala ng Simbahan ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga CSOs sa pagsusulong ng mga karapatang pantao at pagtulong sa marginalized sectors. Sa Fratelli Tutti, sinabi ni Pope Francis na kapuri-puri ang paglilingkod para sa common good ng mga organisasyong ito. Hindi dapat hinahadlangan ang kakayahan nilang maglingkod at magsulong ng mga adbokasiya para sa common good. At lalong hindi dapat ito hinahadlangan ng gobyerno na may obligasyong ipagtanggol at itaguyod ang mga karapatan ng bawat indibidwal.
Mga Kapanalig, mahalaga sa pagbuo ng malaya at demokratikong lipunan ang freedom of association. Ang kalayaang ito ang nagbibigay-daan upang makamit ng mga organisasyon ang kani-kanilang misyon para sa ikabubuti ng mga tao, lalo na ng marginalized sectors. Huwag sana natin hayaang apakan ng gobyerno ang karapatang ito. Isabuhay sana natin ang salita ng Diyos sa Mga Kawikaan 31:8-9 na ipagtanggol ang mga ‘di makalaban at ipaglaban ang kanilang karapatan.
Sumainyo ang katotohanan.