188 total views
March 24, 2020, 10:08AM
Nanawagan si Healing Touch priest anchor Reverend Father Larry Faraon sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na bigyang pagkakataong magpahinga ang mga frontliners na lumalaban sa corona virus disease pandemic.
Sa pagninilay ng pari sa online mass na ginanap sa Radio Veritas chapel, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagpapahinga upang makapag-ipon ng lakas at sapat na resistensya ang katawan sa pagtatrabaho sa maghapon.
“Sa ating Department of Health, pwede po ba nating i-relyebo ang ating mga health workers para makapagpahinga ng maayos,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Faraon.
Ayon sa pari, dapat bigyan ng apat hanggang limang oras ang mga health worker na makapagpahinga dahil lantad ang mga ito sa peligro sa pag-asikaso ng mga pasyenteng positibo sa COVID 19 at sa mga nakikitaan ng sintomas.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health umabot na sa higit 400 ang nagpositibo sa virus kung saan 33 na ang nasawi kabilang na ang ilang doktor.
Kinilala ni Fr. Faraon ang malaking ambag ng mga frontliners tulad ng pulis, sundalo, mamamahayag at higit sa lahat ang mga medical personel na sumuong sa panganib upang mapaglingkuran ang taumbayan.
Dahil dito pakiusap ng pari sa mga medical personel na huwag abusuhin ang katawan sapagkat ang mabisang panlaban sa COVID 19 ang malusog na pangangatawan at immune system na matatamo lamang ng tao kung may sapat na pahinga, wastong pagkain at pagtulog.
“Sa ating frontliners, magpahinga kayo, huwag niyo masiyadong i-stretch ang oras ninyo sa trabaho dahil bukod sa pagod ng katawan mo, nakatindig kayo, stress pa kayo,” saad ni Fr. Faraon.
Patuloy namang ipinagdadasal ng Simbahang Katolika ang mga taong naglingkod at nangunguna sa paglaban sa paglaganap ng virus sa Pilipinas na sa tulong ng habag at awa ng Panginoon.
Unang nagpaabot ng panalangin si Pope Francis sa mga medical personel frontlines at nagpasalamat sa kanilang dedikasyon na paglingkuran ang kapwa sa gitna ng krisis sa pandemic corona virus disease.