231 total views
March 23, 2020, 3:06PM
Binigyang pagkilala ni Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth Chairman Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang mga frontliners sa gitna ng patuloy na suliranin ng bansa sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 outbreak.
Ayon sa Obispo, ngayong panahon ng Kwaresma ay mahalagang bigyan ng pagkilala ang mga taong ibinubuwis ang sariling buhay at kapakanan upang makatulong sa mga nangangailangan.
Inihalintulad ni Bishop Alarcon kay Hesus ang mga frontliner na kinabibilangan ng mga medical practitioners, pulis, sundalo, mga mamamahayag at mga lider ng mga komunidad na handang harapin ang anumang banta ng kapahamakan at maging kamatayan upang mailigtas ang sangkatauhan.
“In all this we turn to Jesus who is our Savior because Lent in the Holy Eucharist a reminder of his suffering of the Cross that God offered himself for us at yun din ang panawagan sa atin, marami ngayon nag-aalay ng buhay para sa iba, the frontliners the police, the military, our public officials while marami are ask to go home, marami rin ang nasa labas puting their life at risk…”pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kasalukuyan ay ipinagluluksa ng medical community ang pagpanaw ng tatlong doktor na nanggamot sa mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19.
Kabilang sa mga nasawi sina Dr. Rose Pulido, Medical Oncologist sa San Juan de Dios Hospital; Dr. Israel Bactol, Cardiology Fellow-in-Training sa Philippine Heart Center; at Dr. Greg Macasaet, Anesthesiologist ng Manila Doctors Hospital kung saan nasa kritikal din ang kanyang asawang si Dr.Evalyn Talens Macasaet na isa ring Anesthesiologist.
Samantala, limitado na lamang rin ang serbisyo ng UST Hospital sa Maynila matapos na isinailalim sa quarantine ang may 530 staff na kinabibilangan mga consultant, resident doctors, fellows, mga nurse at mga aid matapos na ma-expose sa mga pasyenteng nagpositibo at pinaghihinalaang mayroong COVID-19.
Naunang nag-alay ng panalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco para sa mga frontliner na matapang na sinusuong ang banta ng nakahahawa at nakamamatay na sakit na una ng idineklara ng World Health Organization (WHO) na pandemic.