350 total views
Nanawagan ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na isama ang iba pang Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa mga makakatanggap ng fuel subsidy na mula sa pamahalaan.
Ito ay matapos ipahayag ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng tulong pinansyal na mayroong isang bilyong pisong pondo para sa may 178-libong mga Public Utility Jeepney (PUJ) drivers bunsod ng patuloy na pag-taas ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay FEJODAP President Ricardo Rebaño, bukod sa fuel subsidy ay magiging malaking tulong din para sa mga driver ng jeepney ang pag-apruba ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease (IATF-EID) sa pagtataas ng seating capacity sa mga pampublikong tranportasyon.
“Ang hinihiling ko lamang po, hindi lamang po sa mga jeepney ang magbenepisyo nitong subsidy na ito, lahat po sana ng transport, public transport ay mabigyan din po sila mapaglaanan din po Napakaganda po nito, isa po sa mga napag-usapan namin yung oil subsidy na yan plus yung accomodation para po doon sa pag-iincrease ng mga pasahero doon sa mga bumibiyahe from 50% upto 70 to 100% kung maaprubahan po iyon ng iatf, malaking tulong po yung ganyan para sa hanay naming mga pampublikong sasakyan,” ayon sa Panayam ng Radio Veritas kay Rebaño.
Bagama’t wala pang itinakdang petsa ang DBCC kung kailang ipapamahagi ang ayuda, nakikiisa naman ang FEJODAP sa mga panawagan kung saan mapupunta ng direkta ang tulong pinansyal sa mga drivers at hindi na padadaanin pa sa mga jeepney operators.
“Dapat po yung mag-benepisyo po nito yung mga driver po mismo dahil sila po yung kumukunsumo araw-araw, sila yung bumibili ng fuel araw-araw diyan sa mga station, mawalang galang na po sa mga operators pasensya na po kayo kung hindi po sa inyo itong mapupunta ito,” ayon pa kay Rebaño.
Ikinagalak rin ng opisyal ng FEJODAP ang naturang inisyatibo ng pamahalaan para maibsan ang mga suliranin na kinakaharap ng transport sector ng bansa.
Sa pagpapatuloy naman ng mga programa ng Caritas Manila ay Layunin ng social arm ng Archdiocese of Manila na matulungan ang may sampung libong mga jeepney drivers na labis ng naapektuhan ng pandemya.
Noong Nakalipas na taon ay sinimulan narin ng Caritas Manila ang pagsasangkot sa ilang mga jeepney drivers sa Caritas Salve na kooperatiba ng social arm upang matulungan ang mga ito na makasabay sa isinusulong na jeep modernization ng pamahalaan.