110,290 total views
Kapanalig, noong 2023, ang Dicastery of Communication ng Apostolic ay naglabas ng isang apostolic reflection ukol sa engagement sa social media – ang Towards Full Presence. Napakahalagang dokumento ito para sa ating mga Filipino dahil umaabot na sa mahigit 85 million ang mga social media users, at mahigit 85.6 million naman ang mga Katoliko sa ating bansa. Ang parehong bilang na ito ay halos 79% na ng ating populasyon.
Lalong lumalawak ang ating paggamit ng social media ngayon. Ang “Towards Full Presence: A Pastoral Reflection on Engagement with Social Media” ay nagpapa-alala sa atin na magnilay ukol sa paraan ng ating engagement sa social media. Naging bahagi na ito ng ating pang-araw-araw na buhay. Ginagamit natin ito sa komunikasyon, pakikipag-ugnayan, at pagpapahayag ng sariling damdamin at opinyon. Sa kabila ng mga benepisyo nito, marami rin itong mga potensyal na panganib at hamon sa ating buhay, pati na ating pakikipag-ugnayan sa ibang tao.
Isang mahalagang bahagi ng “Towards Full Presence” ay ang paalala na hindi dapat pabayaan ang “present moment.” Minsan, nagiging hadlang ang sobrang pagkakatali natin sa social media – hindi na natin nakikita ang ganda ng araw, ang yaman ng ating kalikasan, pati na ang mga mahal sa buhay na nakapaligid sa satin. Ang pagiging “fully present” ay paglalaan at pagkakaroon oras para sa sarili, pamilya, at mga kaibigan, nang hindi laging gamit ang cellphone natin.
Ayon sa dokumentong ito, dapat mindful ang ating pag-gamit sa social media. Maging maingat tayo dito at suriin kung ano ang epekto nito sa buhay natin. Nakikita pa ba ang ating pagiging katoliko sa online space? O puro murahan na lamang at pagbibida ang nakikita natin dito? Nasasalamin pa ba natin si Kristo sa ating online identity? Ang pagsibol at paglago ng ating online presence ay dapat magpapalago rin ng ating pananampalataya at pagkatao. Paalala ng “Towards Full Presence,” ang bawat hakbang natin sa online space ay dapat ayon sa mga values at prinsipyo na nagpapakita ng ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.
Kapanalig, panahon na upang ating suriin ang engagement natin social media. Ang tagal ng panahon na nagamit ito para sa kasamaan at fake news sa ating bansa. Baguhin na natin ito. Dinggin sana natin ang paalala ng Towards Full Presence: we Christians should be known for our availability to listen, to discern before acting, to treat all people with respect, to respond with a question rather than a judgment, to remain silent rather than trigger a controversy and to be “quick to hear, slow to speak, slow to anger” (Jas 1:19). In other words, all that we do, in word and deed, should bear the mark of witness.
Sumainyo ang Katotohanan.