178 total views
Nakakalap ng mahigit tatlo punto limang milyong piso ang Radyo Veritas at Caritas Manila sa isinagawang “Tithing for the Poor Back to School Telethon 2018”.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual-executive director ng Caritas Manila, ang tithing o ikapu ay isang ‘spiritual way of giving’ na itinuro sa bawat mananampalataya bilang paraan ng pasasalamat, pagtitiwala at pagtulong sa kapwa.
“Maari rin nating ibigay sa programa ng Caritas Manila YSLEP program. Kasi ang YSLEP program ay nagpapalalim ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga bata na maging Christian youth leaders at the same time tinutulungan sila sa kanilang pantustos sa pag-aaral,” ayon kay Fr. Pascual.
Naniniwala rin si Fr. Pascual na ang pagkakaroon ng isang nagtapos ng kolehiyo sa pamilya ay makakatulong para makaangat ang kanilang pamilya mula sa karukhaan.
Ang pondo ay ilalaan ng Caritas Manila sa Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) para sa 5,000 mga college students mula sa NCR, Luzon, Visayas at Mindanao.
Noong nakalipas na taon, naitala ng Caritas Manila ang pinakamaraming nagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo sa ilalim ng proyekto na umabot sa 1,697 kabilang na dito ang 548 college students na mula Yolanda typhoon affected areas.
Sa isang mensahe ng kanyang kabanalan Francisco, binigyan diin nito ang kahalagahan ng edukasyon na hindi lamang makakatulong para kabuhayan kundi ang paghubog sa pagkatao ng mga mag-aaral higit pa sa pagpapalawak ng kaniyang kaalaman.