295 total views
Mahigpit na ipinatutupad ng Diyosesis ng Marinduque ang mga safety protocols na inilabas ng Department of Health upang mapanatili ang kalusugan ng mamamayan.
Kaugnay dito tiniyak ni Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. na patuloy ang simbahan sa pagbibigay ng mga sakramento at iba pang gawaing espiritwal sa mananampalataya sa kabila ng banta ng corona virus disease pandemic.
Partikular na nilinaw ng obispo na patuloy pa rin ang pagmimisa sa mga yumao ngunit nililimitahan ang mga dadalo kung saan kung maari ay bukod tanging pamilya lamang upang maipatupad ang social distancing bilang pag-iingat.
“Kami po ay may funeral masses, required lang na family lang ang present sa misa kung sa bahay or chapel gagawin,” mensahe ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Ito ay paglilinaw bilang nagpatupad ang simbahan ng Pilipinas ng pansamantalang pagkansela sa mga gawaing simbahan upang maiwasan ang malaking pagtitipon ayon na rin sa abiso ng pamahalaan.
Sa mga gawaing simbahan, ang pagmimisa sa mga yumao ang hindi maaring ipagpaliban kaya’t patuloy ang pagtanggap ng mga simbahan ng funeral masses kaakibat sa wastong pagsunod ng mga alituntuning pangkalusugan.
Ayon kay Bishop Maralit mahigpit na ipinatutupad sa diyosesis ang social distancing upang maiwasan ang pagkakahawa-hawa at mapigilan ang paglaganap ng virus na sa kasalukuyang tala ay mahigit sa 500 ang nagtataglay sa Pilipinas habang 20 naman dito ang gumaling na mula sa karamdaman.
Dagdag pa ng obispo maaring sa parokya isasagawa ang pagmimisa sa mga yumao bago ihatid sa huling hantungan ngunit nakadepende ito sa pamilya kung makakukuha ng kaukulang permiso na makapagbiyahe sapagkat mahigpit din ang pagsunod sa enhanced community quarantine. Dahil dito pinaalalahanan ni Bishop Maralit ang mga pari na sundin ang wastong pangangalaga ng katawan bilang pagprotekta sa bawat sarili.
“Priests must strictly follow all protocols for self-sanitation and hygiene,” saad ni Bishop Maralit.