278 total views
Mga Kapanalig, mula nang nanumpa bilang presidente ng bansa si Pangulong Duterte at sinimulan niya ang giyera kontra droga, nag-umpisa na ang kaliwa’t kanang patayan na kinasasangkutan ng mga pulis at mga di-kilalang salarin. Simula noon, tila nawalan na ng halaga ang buhay. Hindi na nakagugulat para sa iba ang mga katawang duguan at nakahandusay sa lansangan. Nabalot ng pagdududa ang paulit-ulit na pahayag ng mga pulis na “nanlabán” ang mga suspek kaya sila binaril. Nawalan ng kredibilidad ang mga pulis bilang tagapagtanggol ng taumbayan. Napapawalang-sala ang mga nasa likod ng madugong kampanya ng administrasyon.
Kamakailan lang, isa na namang menor de edad ang napatay sa gitna ng giyera kontra-droga.
Ayon sa mga saksi, nagmamakaawa habang nakaposas at nakasubsob na sa putikan nang walang kalaban-labang binaril diumano ng mga pulis ang labing-anim na taóng gulang na si Johndy Maglinte mula sa Biñan, Laguna. May pagkakahawig ang nangyari sa kanya sa pagkakapatay kay Kian Delos Santos, 17 taong gulang, isang estudyanteng biktima rin ng anti-drug operation ng mga pulis sa Caloocan noong Agosto 2017. Bagamat inamin ng mga kaanak ni Johndy na sangkot siya sa iligal na droga, nanindigan silang walang dalang baril o anumang armas ang binata nang mangyari ang insidente. Hindi naniniwala ang mga kaanak ni Johndy sa pahayag ng pulisyang nanlabán at nakipagbarilan ang binata sa mga pulis.
Ayon sa datos ng World Organization Against Torture, umabot na sa mahigit 120 ang mga batang napatay sa loob ng apat na taong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Kung hindi man sila ang mismong pinapatay o napapatay dahil nadamay sa engkuwentro, marami sa kanilang nakasaksi ng karahasan o nauulila ng kanilang magulang o tagapag-alagang biktima ng anti-drug campaign.
Kung pagpuksa sa tumataas na bilang at matitinding drug-related crimes at pagprotekta sa buhay ng mga inosente mula sa kamay ng mga taong gumagamit ng droga ang pangunahing dahilan ng administrasyon sa paglulunsad ng war on drugs, bakit tila mas nagdulot pa ito ng mas laganap na karahasan at lantarang pagbalewala sa buhay at dignidad ng mga tao? Mababasa sa Genesis 1:26-31 na ang bawat tao ay nilikhang kawangis ng Diyos. Gaya rin ng sinasabi sa panlipunang turo ng Simbahan, dapat igalang ang buhay at dignidad ng bawat tao. At bahagi ng paggalang nito ay ang karapatang hindi maparusahan hangga’t hindi napatutunayan, sa pamamagitan ng tamang proseso ng batas, na ang isang tao ay nagkasala. Kahit pa mapatunayang maysala, may buhay at dignidad pa ring dapat itinataguyod.
Matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte sa susunod na taon, ngunit hindi niya natupad ang pangako niyang tapusin ang problema natin sa droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Ang mas nakadidismaya, libu-libo ang nangamatay mula nang inilunsad ang kampanya kontra droga, kabilang ang mga bata. Kailan kaya maiintindihan ng mga kasalukuyan nating lider na hindi kailanman magiging solusyon ang pagpatay upang sugpuin ang mga sinasabing problemang dulot ng droga? Kailan kaya mapagtatantong kahirapan ang isa sa mga dahilan ng paglaganap ng droga at isa ring ugat na dapat tinututukan at tinutugunan? Kailan kaya kikilalanin ng lipunan na isang isyung pangkalusugan din ang adiksyon sa droga? Ginagamot ang mga taong maysakit, hindi pinapatay. Gayundin sa mga batang nasasangkot sa droga—gabay ang kailangan ng mga batang nalilihis ng landas, hindi ang patayin sila.
Mga Kapanalig, patuloy tayong manawagan at manindigan para sa buhay, katotohanan, at katarungan, lalong-lalo na para sa mga batang itinuturing lang ng administrasyon bilang “collateral damage” at sa mga batang pinagkaitan ng pag-asang mangarap at mabuhay nang ligtas at may dignidad.