721 total views
Ipinaliwanag ni Parañaque Bishop Jesse Mercado na ang paggabay sa mamamayan sa pagpili ng mga wastong lider ng bayan ay hindi maituturing na partisan politics.
Nilinaw ng Obispo ang pagiging neutral ng simbahan lalo na sa mahahalagang usapin na nagdudulot ng kabiguang makapaghalal ng lider na magtataguyod sa kabutihan ng pamayanan.
Ayon kay Bishop Mercado mahalagang matulungan ang mananampalatayang pagnilayan at suriin ang karakter ng bawat kumandidato sa kapakinabangan ng bayan lalo na ng susunod na henerasyon.
“We should accompany and encourage our people to make the right choice. And this is our new understanding of what non-partisanship is,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mercado.
Una nang nanindigan si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace na mananatiling non-partisan ang simbahang katolika sa kabila ng pag-eendorso ng ilang grupo ng mga layko.
Subalit iginiit ni Bishop Bagaforo na hindi ito nangangahulugang pabayaan ng simbahan ang mamamayan sa pagpili ng mga lider kundi higit pinalalawak ang voter’s education upang maunawaan ng taumbayan ang tunay na hangarin ng isang kandidato.
Samantala, ipinaalala naman ni CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa mga kapwa lingkod ng simbahan na pakaingatan ang pagkakilanlan bilang alagad ng simbahan upang hindi makompromiso ang misyon nito.
Batid ng obispo ang ilang pari, madre at relihiyoso na hayagang sumusuporta sa partikular na kandidato lalo na sa national level kaya’t paalala nitong mas palawakin ang pagbibigay gabay sa 67-milyong botante sa pamamagitan ng pagpapakilala sa karakter ng nagpapapiling lider.