252 total views
Mga Kapanalig, dahil sa matinding traffic ilang araw bago mag-Pasko, lalo na sa malalaking lansangan dito sa Metro Manila, may mga kababayan tayong binalikan ang mga sinabi ng dating DPWH Secretary at ngayon ay Senador Mark Villar tungkol sa problemang ito.
Ilang buwan matapos italaga ni dating Pangulong Duterte bilang DPWH secretary, sinabi ni Ginoong Villar na ang problema ng trapiko ay masosolusyunan ng administrasyon sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon. Hindi pa nga raw siya “too ambitious.” Noong Abril 2021 naman, sa kasagsagan ng pandemya, sinabi niya sa kanyang Facebook post na ang trapiko sa Metro Manila “will never be the same.” Ang bawat siyudad daw ay magiging konektado, at ang magiging biyahe sa mga ito ay mula 20 hanggang 30 minuto lamang. Inulit niya ito sa Facebook kung saan ipinagmalaki niyang umarangkada na ang EDSA Decongestion Program. Prayoridad daw ng DPWH, ang kagawarang nangunguna sa mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Build, Build, Build Program, ang pagtatayo ng mga kalsadang pakikinabangan ng publiko, kabilang ang mga highway na magpapagaan sa mabigat na daloy ng trapiko.
Ngunit sa pagbabalik ng mga sasakyan ngayong halos wala nang pumipigil sa mga taong lumabas ng kanilang bahay, kumabig si Senador Villar. Hindi naman daw niya “sinasabi na kayang tapusin [ang] traffic sa Metro Manila” sa loob lamang ng ilang taon. Ang importante raw, mayroon tayong “malaking improvement” sa mga susunod na taon.
Tahimik pero sumisigaw daw ang mga gawa ng nakaraang administrasyon. Pero sumisigaw din ang mga biyahero at pasahero dahil sa matinding trapik. Maging sa ipinagmamalaking Skyway, trapik din ang nararanasan ng mga dumaraan doon. Kahit nga ang kapwa senador ni Senador Villar na si Senadora Nancy Binay ay inireklamo minsan ang matinding trapiko sa Skyway.
Samakatuwid, hindi solusyon ang pagtatayo ng marami pang kalsada upang maibsan ang trapiko sa mga lungsod. Marami na nga ang nagsasabing mas malaki ang magagawa ng pagpapahusay sa ating public transport system. Ang pagtatayo ng mga kalsada, sa totoo lang, ay para sa mga may sariling sasakyan. Lumilikha pa ito ng tinatawag na “induced demand” kung saan mas naeengganyo ang mga pribadong motorista na gamitin ang kanilang sasakyan dahil alam nilang may mga kalsada silang madaraanan. At kapag dumagsa na sila sa mga lansangan, tiyak na bibigat ang daloy ng trapiko. Sa madaling salita, kung magtatayo tayo ng mas maraming highway, mas maraming drayber ang dadaan sa mga ito.
Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, ang kalidad ng buhay sa mga lungsod ay nakaugnay sa sistemang pantransportasyon sa mga ito. Maraming pribadong sasakyan ang naglalakbay sa mga kalsada, gayong iisa o kakaunti lamang ang nakasakay sa mga ito. Nagdudulot ito ng matinding trapiko, polusyon, at malakas na paggamit ng gasolinang nakapipinsala sa kapaligiran. Sa pagdagsa ng mga pribadong sasakyan dahil na rin sa pagtatayo ng mga kalsada, kailangan ding magtayo ng malalawak na parking spaces, mga espasyong magagamit sana sa mas makabuluhang bagay katulad ng pabahay para sa mahihirap o mga parke. Ang nakalulungkot, ang mga walang sariling sasakyan ay nagtitiis sa mga siksikang bus, dyip, at tren, at nag-aaksaya ng oras at lakas sa trapiko. Ang problema sa trapiko ay isa ngang isyu ng kawalang-paggalang sa dignidad ng tao at ng kawalang-katarungan sa lipunan.
Mga Kapanalig, mararanasan pa ba kaya natin sa ating mga lungsod ang ganda ng mundong nilikha ng Diyos, ang sanilikhang ayon nga sa aklat ng Genesis ay “pinagmasdan Niya at lubos Siyang nasiyahan”? Bilang mga Kristiyano, panatilihin natin ang pag-asa. Bilang mga mamamayang Pilipino, hingin natin ito sa mga binigyan natin ng kapangyarihang mamuno.