442 total views
Ang demokrasya ay isang regalo ng Diyos para sa bayan at kanyang mamamayan.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Nolan Que, Regional Trustee ng Catholic Educational Association in the Philippines – National Capital Region (CEAP-NCR) sa online launching ng One Godly Vote na isang election campaign bilang paghahanda sa nakatakdang ng halalan sa susunod na taon.
Ayon sa Pari, ang halalan ay isang mahalagang sangkap ng demokrasya ng bansa kung saan kaakibat nito ang biyaya sa bawat mamamayan na pumili at maghalal ng mga pinuno na may pananagutan sa Diyos at sa bayan.
Paliwanag ni Fr. Que, ang kalayaan at kapangyarihan na bumoto ay kinakailangan gamitin para sa kapakanan o ikabubuti ng lahat at hindi para lamang sa pansariling kapakinabangan.
“Kami po ang CEAP-NCR ay naniniwala na ang demokrasya ay isang regalo mula sa Diyos, ang biyayang bumoto ay ang ating kalayaan upang pumili kung sino ang mamumuno sa ating bansa. Naniniwala kami na dapat gamitin ng mga Pilipino ang kalayaan na bumoto para sa ikabubuti ng lahat at hindi lang para sa pansariling kapakinabangan. Ang pagboto ay pagpili ng isang pinuno na may pananagutan sa Diyos at sa ating bayan.” pahayag ni Fr. Que sa online launching ng election campaign na One Godly Vote.
Pagbabahagi ng Pari na siya ring Chairperson ng National Christian Formation Commission (NCFC) ng CEAP, kabilang sa mga ginagawang hakbang bilang paghahanda ng organisasyon ay ang pananawagan at pagbubukas ng kamalayan hindi lamang ng mga mag-aaral at mga guro kundi ng mga kawani at alumni ng mga kasaping paaralan ng CEAP.
Iginiit ni Fr. Que, kinakailangan ang matalinong pagpili at pagsusuri sa karakter at paninindigan ng mga kandidato kaugnay sa mga usaping panlipunan na tunay na nakakaapekto sa buhay ng bawat mamamayan.
Bukod dito, binigyang diin rin ng Pari ang pananalangin at pagninilay upang hilingin ang paggabay ng Panginoon sa pagkakaroon ng malinaw na isip at kalooban upang magpasya para sa ikabubuti ng mas nakararami.
“Kami sa CEAP-NCR, kami ay patuloy na nananawagan sa aming mga tauhan, sa aming mga personel, mga guro, sa aming mga mag-aaral at maging sa aming mga alumni na gamiting itong tungkulin at prebilehiyo na bumoto, suriin ang moral na karakter at indibidwal na paniniwala ng ating mga ihahalal na pinuno, higit sa lahat manalangin at hilingin sa Diyos na liwanagan ang ating isipan at palakasin ang ating kalooban para tayo magpasya at gamitin ang kapangyarihag bomoto ng maayos.” Dagdag pa ni Fr. Que.
Ang election campaign na One Godly Vote ng Archdiocese of Manila Commission on Social Communications na binubuo ng Radyo Veritas 846, TV Maria at Archdiocesan Office of Communications ay isang hakbang at ambag ng mga organisasyon ng Simbahan para sa paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taong 2022.