199 total views
Gamitin ang karunungang bigay ng Diyos sa pangangalaga sa kalikasan. Ito ang hamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa mga mananampalataya, sa kanyang pagninilay sa pagdiriwang ng Earth Hour kahapon.
Ayon sa Obispo, maging ang pinaka-maliliit na nilalang sa daigdig na mga uod at paru-paro, ay tanda ng malawak na pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan.
Sinabi ni Bishop Pabillo na ang pinakamainam na pamamaraan upang masuklian ang pagmamahal ng Diyos ay sa pamamagitan ng pagpapamalas ng ating talino, galing sa pangangalaga sa kalikasan at lahat ng nilikha ng Diyos sa ating daigdig.
“God created everything from his love and his wisdom kaya tignan natin ang pagmamahal ng diyos sa mga paru-paro sa mga uod lahat ng yan ay tanda ng pagmamahal ng Diyos sa atin… kilalanin natin na tayo ay binigyan ng diyos ng kaalaman potentials sa ating intelligence, sa ating will gamitin natin ito upang pangalagaan [ang mundo] at hindi sirain.” Pahayag ni Bishop Pabillo sa programang Ang Banal na Oras ng Radyo Veritas.
Bukod dito, umaasa rin ang Obispo na sa tulong ng makabagong teknolohiya na natutuklas dahil sa karunungan ng tao ay mas mapangangalagaan at mapangangasiwaang mabuti ang mga likas na yaman ng mundo.
Inihalimbawa dito ni Bishop Pabillo, ang pagpapaunlad sa paggamit ng mga renewable energy na nagmumula sa sustainable resources ng daigdig tulad ng hangin, lupa, at karagatan.
Samantala, nitong Sabado, ika-24 ng Marso, nakiisa ang iba’t-ibang simbahan, organisasyon at institusyon sa pagdiriwang ng Earth Hour o isang oras na hindi paggamit ng elektrisidad upang mapagpahinga ang mundo.
Sa pagtataya ng World Wide Fund for Nature umaabot sa 180 mga bansa sa buong daigdig ang nakikiisa sa pagdiriwang na ito, taun-taon.