2,711 total views
Hinimok ni Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez ang mamamayan lalo’t higit ang kabataan na gamitin ang makabagong teknolohiya sa ebanghelisasyon.
Ito ang mensahe ng obispo sa paggunita ng kapistahan ni Blessed Carlo Acutis noong October 12 sa misang ginanap sa Santiago Apostol Parish sa Paombong Bulacan.
Ayon kay Bishop Iniguez, nawa’y tularan ng mga kabataan ang beato na ginamit ang hilig at kasanayan sa teknolohiya at internet sa pagpapalaganap ng pananampalataya.
“Si Blessed Carlo ay isang napakagandang panawagan ng Panginoon para sa atin sapagkat siya bukod sa kanyang pagiging bata ginamit niya ang ginagamit ng maraming kabataan ngayon ang modern means of communication upang ipalaganap ang pinakadakilang sakramento ng ating pananampalataya ang Banal na Misa,” pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam ng Radio Veritas.
Tinuran ng obispo ang pag-ibig ni Blessed Carlo sa Banal na Eukaristiya at sa malalim na debosyon sa Mahal na Birheng Maria sa paggamit ng kakayahan at talento sa computer at internet kung saan itinampok ang ‘Eucharistic Miracles’ upang mapalago ito sa buong mundo.
Ayon naman sa debotong si John Paul Ayde na kasapi ng Friends of Blessed Carlo Acutis Philippines, nararapat tularan ang beato sa kanyang halimbawang gamitin ang makabagong teknolohiya nang naaayon sa kalooban ng Panginoon.
“Pwede nating tularan si Blessed Carlo na sa paggamit ng modern technology ng Artificial Intelligence dapat naaayon sa kalooban ng Diyos. Tinuruan tayo na ang ganitong bagay ay regalo sa atin ng Diyos kaya dapat natin itong gamitin sa tama at wasto,” ani Ayde.
Iginiit ni Ayde na napapanahon nang kumilos lalo’t higit ang kabataan para palawakin ang ebanghelisasyon sa internet sa halip na malulong sa iba’t ibang adiksyon tulad ng pornograpiya.
Pumanaw ang beato noong 2006 sa edad na 15 taong gulang dahil sa leukemia kung saan sa kanyang nalalabing mga araw ay buong puso at kababaang loob na inialay kay Hesus, sa Santo Papa, at sa buong simbahang katolika ang kanyang paghihirap.
October 10, 2020 nang ma-beatipikihan ang beato sa ritong pinangunahan ni Pope Francis.
Binuksan din ng Diocese of Assissi sa Italy ang himlayan ni Blessed Carlo sa Sanctuary of the Renunciation na bahagi ng St. Mary Major na maaring dalawin ng mga deboto.
Ipinalalaganap naman ng Friends of Blessed Carlo Acutis Philippines sa pamamatnubay ni Malolos Bishop Dennis Villarojo at Fr. Jerome Ponce, OFM ang debosyon ng beato sa Pilipinas na unang pinagkalooban ng first class relic na ex corpore et ex capilis ni Beato Carlo mula sa Diocese of Assisi at ng Associazione Amici di Carlo Acutis.