184 total views
Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang misa para sa pagbubukas at pakikiisa sa pagdiriwang ng National Bible Month na ginanap sa San Carlos Seminary sa Makati City.
Tema ngayong taon ng pagdiriwang ng National Biblical Apostolate ang ‘Word of God as a Foundation of Religious Living and Leadership’ kaugnay na rin sa pagdiriwng ng simbahang katolika ng Pilipinas sa ‘Year of the Clergy and Consecrated Persons’.
Sa kaniyang homiliya, binigyan tuon niya na ang lahat ay maituturing na nagtatalaga ng buhay sa Diyos at tinatawagan upang maging pinuno sa kani-kanilang larangan tungo kay Kristo.
“Pero kayong mga magulang leader din kayo. Kasi ang pamilya is what they call the church in the home, domestic church. Kaya kayo rin ay mga leaders, mag-asawa. You lead one another hopefully to Christ. Mga teachers, drivers, nagtitinda kayo po ay mga leader. Harinawa sa ekonomiya na may puso,” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle.
Ipinagdarasal ni Cardinal Tagle na nawa gamiting pundasyon ng bawat isa ang Salita ng Diyos sa pag-aakay sa kanyang kapwa.
“At ating pong pinagninilayan, how the word of God could be the foundation for us to be the animating force. Ang Salita ng Diyos ang nagbibigay ng sigla sa ating buhay na ‘consecrated to God’ at buhay nang pag-akay sa kapwa– Salita ng Diyos,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Muling hinikayat ni Cardinal Tagle ang lahat sa ginanap na misa sa patuloy na pagtulong at pagdarasal sa mga biktima ng digmaan sa Marawi City at mga naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo sa bansa.
Sa Marawi City, higit sa 300,000 residente ang naapektuhan ng limang buwang digmaan, habang libo-libo ring katao lalu na sa bahagi ng Bisaya at Mindanao ang nasalanta ng bagyong Urduja, Vinta at Agaton bago matapos ang taon at maging sa pagbubukas ng taong 2018.