493 total views
Mga Kapanalig, nababahala ka ba sa mga epekto ng climate change?
Ayon sa 2021 World Risk Poll, isang survey na isinagawa ng Lloyd Register Foundation tungkol sa mga pananaw at karanasan ng mga tao sa mga panganib, ang masasamang epekto ng climate change ang pinakakinatatakutan ng mga Pilipino. Halos 70% ng Pilipinong sumagot sa survey ang nagsabing labis silang nababahala sa mga epektong dala ng climate change. Ito ay 33% na mas mataas sa global average. Dagdag pa rito, 62% ng Pilipinong sumagot sa survey ang may kakilalang naapektuhan ng epekto ng climate change katulad ng mapaminsalang baha at matinding tagtuyot. Ngayon ngang panahon ng tag-ulan, marami na nga tayong mga kababayang nalubog sa baha o natabunan ng landslide ang kanilang mga bahay at kabuhayan.
Sa kabuuan, mayorya ng mga Pilipinong sumagot sa survey ang naniniwalang malaking banta sa bansa ang climate change. Hindi na ito nakagugulat sapagkat halos 20 bagyo ang dumaraan sa ating bansa kada taon. Tayo rin ang nakaranas ng pinakamalalakas na bagyo na naitala sa kasaysayan. Nariyan ang Typhoon Haiyan o Yolanda noong 2013, Typhoon Goni o Rolly noong 2020, at Typhoon Rai o Odette noong nakaraang taon lamang. Hindi lamang pinsala sa ari-arian, agrikultura, at mga imprastraktura ang ninakaw ng malalakas na bagyong ito. Buhay ng tao ang nalalagay sa panganib.
Nitong nakalipas na mahigit dalawang taon, nagdurusa rin tayo at ang buong mundo sa COVID-19. Nariyan pa ang pagkalat ng monkeypox na kamakailan lamang ay na-detect na rin sa bansa. Iniuugnay ng mga eksperto ang pag-usbong ng mga sakit na ito sa climate change. Anila, patuloy na lilitaw ang matitinding sakit katulad ng COVID-19 at monkeypox kung hindi mapipigilan ang climate change.
Sa kabila nito, hindi pa rin nararamdaman ang agarang aksyon ng mga lider ng ating bansa at ng international community upang tugunan ang climate change. Noong unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, bagamat binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paggamit ng mas malinis na renewable energy, mayroong mga environmental groups ang nakulangan sa mga konkretong hakbang upang gawin ito. Ikinabahala rin nila ang pagbabanggit ng pangulong sa nuclear powerplants. Samantala, matapos ang paglalatag ng mga pandaigdigang kasunduan katulad ng Paris Climate Agreement noong 2015 at Glasgow Climate Pact noong isang taon, marami pa ring mga pangakong aksyon ang kailangang isakatuparan.
Naniniwala ang ating Simbahang hamon para sa sangkatauhan ang pangangalaga sa ating iisang tahanan o common home. Tungkulin ng bawat isa sa atin ang alagaan ang kapaligiran. Ganito ang sinasabi sa Genesis 2:15: “Kinuha ng Panginoong Diyos ang tao at iniligay siya sa halamanan ng Eden, upang kanyang alagaan at ingatan.” Pangunahin ang papel ng pamahalaan at pakikiisa ng mga bansa upang tiyaking naaalagaaan at naiingatan natin ang kalikasan. Kailangan ang mga patakaran at konkretong hakbang upang maisakatuparan ang tungkulin natin sa ating iisang tahanan.
Ang climate change ay sintomas ng pagtangis ng ating kalikasan. Bumabalik sa atin ang kapabayaan natin sa ating tungkuling pangalagaan ito sa tuwing may malalakas na bagyo, matinding pagbaha, at nakamamatay na tag-init. Labis na nagdudulot sa atin ng takot ang mga peligrong dala ng climate change, at ito na ang imbitasyon upang pagnilayan natin ang pagtrato natin sa mga biyaya ng kalikasan. Paano tayo kumukonsumo? Nag-aambag ba tayo sa kulturang nagtatapón?
Mga Kapanalig, paalala nga sa Catholic social teaching na Laudato Si’, bawiin natin ang paniniwalang kailangan natin ang isa’t isa, kasama ang sanilikha, at lahat tayo ay responsable sa ating kapwa at sa buong mundo. Nawa’y itulak tayo ng ating mga takot na kumilos upang pangalagaan ang iisa nating tahanan.