280 total views
April 6, 2020, 4:39PM
Ang presensya ng mga patron ay maging inspirasyon sa mga mananampalatayang Kristiyano ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang mensahe ni Rev. Fr. Virgilio Ramos, ang Parish Priest ng San Pascual Baylon Parish sa Bulacan o mas kilalang Obando Church sa isinagawang pag-iikot ng imahen ng tatlong patron ng Parokya noong ika-4 ng Abril.
Ginawa ito bilang panalangin upang ipag-adya ang buong bayan ng Obando sa coronavirus disease na lumalaganap ngayon sa buong mundo.
Umaasa ang pari na sa pamamagitan ng mga imahen ng parokya ay maalala ng mamamayan ng Obando ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa gitna ng pandemya bunsod ng coronavirus disease.
“Ang pagpuprusisyon ay ginagawa upang maipabatid sa mga mananampalataya ang pananalangin ng aming tatlong patron. Lalo na ngayong panahon ng quarantine na may takot at pangamba. Sa pamamagitan ng mga imahen ng Parokya ay maalala unang una ang Diyos; ang pananampalataya sa Diyos, mas lumalim pa ito. At mas hingin pa ang dasal ng mga patron na ito sa mga nangyayari ngayon.” pahayag ni Fr. Ramos sa Radyo Veritas
Ang Obando Church na nasasakop ng Diyosesis ng Malolos ay may tatlong patron – San Pascual Baylon, Santa Clara ng Asisi, at Mahal na Birhen ng Salambao.
Bago ang pag-iikot ng mga imahen ay pinaalalahanan ng parokya ang mamamayan na huwag lumabas ng kanilang tahanan at sa halip ay dumungaw lamang at magtirik ng kandila tanda ng kanilang panalangin.
Binigyang diin rin ng pari ang kahalagahan ng Social Communication sa buong Simbahang Katoliko dahil sa kanilang patuloy na sakripisyo para maipahatid ang mga misa at sakramento sa pamamagitan ng online platform.
“Sa paghinto ng regular na mga misa at aktibidad ng simbahan, malaking bagay ang ginagampanan ng Social Communication. Pinagdarasal namin ang inyong tiyaga, sipag, at inyong dedikasyon lalo na ang inyong kontribusyon sa panahong ito.” ayon kay Fr. Ramos.