805 total views
Patuloy na isabuhay at gamiting inspirasyon ang sakripisyo ng mga bayaning Pilipino na nag-alay nang buhay para sa kalayaan ng bansa.
Ito ang mensahe ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa paggunita ng ‘Araw ng Kagitingan’ sa ika-9 ng Abril kung saan kinikilala ang sakripisyo ng mga sundalong Pilipino at Amerikano laban sa pananakop ng mga Hapones.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng hakbang ay mai-aangat ng bawat mamamayan ang kalidad ng pamumuhay ng bawat isa at higit pang magkakaroon ng dignidad ang buhay sa lipunan.
“Mula sa kabayanihan ng mga nagsakripisyo ng buhay noong ikalawang pangdaigdigang digmaan tayo ngayon ay malaya at nagsasariling bansa, naitayo ang ating dangal at tayo ay marangal, ngayon mula sa pandemya nararapat na gayahin at isabuhay ang kanilang pagpapakasakit at makasakit upang maitayo natin ang ating ekonomiya, sa ganito maitataas natin ang buhay ang bawat isa. Buhay na maganda, mapayapa at masagana. Ang buhay ay napangalagaan, naitataguyod at naiingatan,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Obispo sa Radio Veritas.
Umaasa si Bishop Santos na patuloy ding pasalamatan ng bawat Pilipino at susunod na henerasyon ang mga nagbuwis ng kanilang buhay upang matamasa ang kalayaan sa bansa.
Nanawagan din ang Obispo ang patuloy na pasasalamat sa mga economic at medical frontliners na pangunahing tumutugon sa mga krisis na idinudulot ng pandemya.
“Patuloy natin pasalamatan ang ating sundalo noong na nagbuwis ng buhay upang tayo ay magkaroon ng kalayaan, pasalamatan natin ngayon ang ating mga bagong sundalo-ang mga medical and economic frontliners-na sa ngayon nag- aalay ng talino, panahon at ng sarili upang tayo ay maging malakas, mabuhay at ligtas.”
Ang Araw ng Kagitingan ay ginugunita bilang pag-aalala sa ipinamalas na kagitingan at sakripisyo ng mga biktima ng ‘Fall of Bataan’ na naging sanhi ng malagim na ‘Bataan Death March’ noong April 09 hanggang 17 1942.
Tinatayang nasawi sa death march ang may 20-libong sundalo mula sa 70-libong mga sundalong Pilipino at Amerikanong sumuko sa mga Hapones matapos silang sapilitang palakarin ng 100-kilometro mula Mariveles Bataan hanggang San Fernando Pampanga.