248 total views
Ito ang paalala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya sa ika-14 na taong Anibersaryo ng Pondo ng Pinoy.
Ibinahagi ni Cardinal Tagle na ang salita ng Diyos ang marapat na maging pondo at pinagmumulan ng lakas ng bawat mananampalataya.
Nilinaw ng Kardinal na kung si Hesus at ang salita ng Panginoon ang magiging pondo, at inspirasyon sa buhay ng bawat tao ay magdudulot ito ng pagbabago sa bawat isa.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na ang pagtanggap at pagpapapasok kay Hesus sa puso ng bawat tao ay magbubunga ng pag-ibig at bagong pagkatao na mag-aalis sa lahat ng hindi mabubuting pag-uugali ng isang indibidwal.
“Kapag tinanggap na si Hesus nang may pag-ibig, bagong pagkatao na rin. Dapat yung luma ay maalis na – bitterness, fury, anger, shouting, reviling, dapat maalis. Hindi iyan katangian ng mga taong nakinig sa salita ng Diyos at tinanggap si Hesus. Galit, poot, pambubulyaw at masasamang salita, hindi ‘yan galing sa pananampalataya.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Binigyan diin ng Kardinal na kung tatanggapin at paniniwalaan ng bawat tao ang salita ng Panginoon bilang pondo ng pananampalataya ay maging kanyang kayamanan.
“Kung titingnan po natin ang pinaka-pondo natin ay ang salita ng Diyos na kapag tinanggap, pinaniwalaan, isinabuhay ay magiging kayamanan.” bahagi ng Homiliya ni Kardinal Tagle.
Noong Linggo ika-12 ng Agosto, ipinagdiwang ang ika-14 na taong anibersaryo ng pagkakatatag sa Pondo ng Pinoy ni dating Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales.
Ipinaalala din ni Kardinal Tagle, na nawa sa paglago at pagdami ng mga natutulungan ng Pondo ng Pinoy ay magbunga pa ito ng mas maraming marangal na Filipino na marunong dumamay sa kanilang kapwa at bukas ang puso katulad kay Kristo.
“Ang final na produkto ng Pondo ng Pinoy ay ang marangal na Pinoy. Marangal dahil marunong umibig, marunong dumamay, bukas ang mata at puso sa kapwa. Ang marangal na Pinoy hindi individualistic. Ang marangal na Pinoy hindi sarili ang itinataguyod. Ang marangal na Pinoy hindi magaspang ang pag-uugali. Ang marangal na Pinoy hindi nambubusabos. Ang marangal na Pinoy katulad ni Kristo.”