264 total views
Kapanalig, gaano na ba kalaki ang populasyon ng mundo ngayon? Gaano na ba kalaki ang populasyon ng Pilipinas? Nakikita mo ba ang implikasyon ng malaking populasyon sa ating buhay?
Sa ngayon kapanalig, tinatayang umabot na ng pitong bilyon ang populasyon ng mundo. Sa ating bayan, lampas pa sa 100 milyon ang ating populasyon. Handa ba tayo sa mga hamong dala nito?
Kapanalig, ang mataas na populasyon ay may implikasyon sa food security o seguridad sa pagkain. Isang analohiya dito ay ang pamilya. Mas komportable ang pamilya kung ang resources nito ay sapat sa dami ng kanyang miyembro. Kung pantay pantay din ang pagtingin sa bawat miyembro, walang makakalamang, walang dehado. Lahat ay makakamit ang mag kailangan nito upang matamo ang kaganapan ng kanyang pagkatao. Walang magugutom.
Kaya lamang, kapanalig, ang ideal na estado na ito ay mahirap makamit sa ating mga tahanan, lalo pa kung ang bansa o ang mundo na ang pag-uusapan. Isipin po natin ngayon, sa pitong bilyong tao sa mundo, isang bilyon ang tinatayang undernourished o kulang ang makakain, isang bilyon ang malnourished, at isang bilyon naman ang overweight o obese.
At kung susuriin pa kapanalig, makikita natin na karamihan sa mga gutom at malnourished ay nasa Asya at Pasipiko. Two-thirds o ikatlo ng isang bilyon ng gutom ay nasa Asya at Pasipiko, habang 68% naman ng underweight na mga bata sa mundo ay ay nandito rin, sa Asya at Pasipiko.
Ang mga isyung ito ay nakasalalay sa pagkain at sa agrikultura. Nakasalalay din ito sa kalikasan. Sa ating bayan, maraming mga isyu ang mga magsasaka, marami ring isyu ang mga mamamayan ukol sa kalikasan.
Ang sanga-sangang isyu na ito ay nakakasalalay din sa ating mga polisiya. Ang ating mga lokal na gobyerno pati na nasyonal na gobyerno, kasama ang mga senador at kongresista ay kailangang makita ang mga isyung ito upang masiguro na sapat ang pagkain at iba pang resources sa dami ng ating mga mamamayan. Kapag hindi natin bibigyan ng agarang lunas ang mga isyung pag-agrikultura at pang-kalikasan, pihadong laging kulang. Pag hindi rin natin ipapalaganap ang panlipunang katarungan, marami pa rin ang magugutom at sasalat sa pagkain at iba pang resources.
Kapanalig, ang kawalan ng social justice o panlipunang katarungan ay ugat ng maraming isyu sa mundo. Kung ang tao ay maramot at walang pakialam sa kapwa, ang seguridad sa pagkain ay hindi makakamtan at lalong magiging mas mailap habang dumadami ang populasyon.
Ang Gaudium et Spes ay may mahalagang paalala sa atin: Magkakaiba man tayo ng lahi, tayong lahat ay may patas na dignidad bilang tao. Ang dignidad na ito ay hinahamon tayong kumilos tungo sa mas patas at mas makataong lipunan, ng mas makataong sanlibutan. Ang sobrang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at sa sanlibutan ay isang malaking skandalo, at isang malaking balakid sa panlipuan at internasyonal na kapayapaan.