30,198 total views
April 24, 2020, 2:46PM
Nagpamigay ng mga relief pack para sa mga garbage collectors sa lungsod ng Quezon City ang Radio Veritas sa pakikipagtulungan sa The International Association of Lions Clubs Manila Excel district 201 – A3 sa pangunguna ni Stephen C. Chan.
Sa inisyatibo ni Veritas Pilipinas anchor Ms. Jing Manipol Lanzona, ang kaunting tulong ay inilaan para sa mga frontliner na bagama’t wala pa mang COVID-19 ay nahaharap sa banta ng pagkakasakit dahil sa mga waste product at kakulangan ng proteksyon.
Matapos makatanggap ng relief goods, binigyan ng blessings o pagbabasbas ni Rev. Father Roy Bellen, ang Vice-President for Operations ng Radio Veritas ang mga nangongolekta ng basura para sa kanilang kaligtasan habang ginagampanan ang trabaho sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, nanawagan si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na bigyang halaga ang mga garbage collector dahil sila ang dahilan kung bakit nanatiling malinis ang kapaligiran at mga ospital lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Mahalaga po ang serbisyong kanilang ginagawa at sana po ay natutumbasan ang kanilang serbisyo sa naangkop na sweldo at benepisyo na ibibigay sa kanila ng LGU at National Government,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas
Matatandaang nanawagan ang mga makakalikasang grupo na Ecowaste Coalition sa pamahalaan na bigyan ng hazard pay ang mga nangongolekta ng basura dahil isa sila sa mga humaharap sa peligro dahil na rin sa mga hospital waste and used materials sa mga opistal at komunidad.
Panalangin naman ni Bishop Pabillo na mapanatiling ligtas ang mga nangongolekta ng basura dahil isa sila sa humaharap sa potensyal na panganib bunsod ng coronavirus disease.
“Panginoong Diyos na mapagmahal, itinataas po namin sa Inyo ang isa sa mga frontliner namin na sila pong nangongolekta ng aming mga basura. Mapanatili po nawa silang malusog dahil malaki po ang kanilang tungkulin at panganib sa kanilang buhay dahil sa exposure nila sa virus.
Kaya panatilihing po ninyong sila’y malakas pati ang kanilang pamilya at gayun din ay ilayo sila sa kasamaan lalong lalo na sa sakit.
Hinihiling po namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon”.