295 total views
Alam mo ba kapanalig na ang Asya ang garment factory ng buong mundo? Ang mga damit na nakikita nating lahat sa merkado ay kadalasang gawa ng mga mananahi sa bansa sa Asya gaya ng Pilipinas.
Tinatayang 55% ng mga tela pati mga gawang damit ay galing sa ating rehiyon. Ang industriyang ito ay tinatayang sumasakop ng mga 60 milyong manggagawa sa Asya. Napakalaking industriya nito kapanalig, at maraming mga maralitang natutulungan ito. Kaya lamang dumarami rin ang hamon sa larangang ito, lalo na ngayong nagiging digital na ang ating mundo.
Ilan sa mga hamon na ito ay ang bagsak presyo na labor cost na nakaka dehado na sa dignidad ng mga manggagawa. Kasama na rin dito ang mga labor conditions sa ilang mga pagawaan na hindi na nakakabuti sa kalusugan o wellbeing ng mga manggagawa.
Dumagdag pa sa mga hamon na ito ang dahan-dahang automation ng mga ilang aspeto sa produksyon at proseso nito, na kinatatakutan ng maraming manggagawa na mang-aagaw sa kanilang mga pwesto sa trabaho.
Ang hamon din ng sustainability ay isa sa mga suliranin ng industriya. Ang paggawa kasi ng mga damit ay maraming epekto sa ating kapaligiran. Mga 10% ng carbon emissions sa buong mundo ay mula sa produksyon nito. Liban dito, malakas din gumamit ng water resources at nakakarumi rin ito ng ating mga katawang tubig.
Napaka-importante, kapanalig, ang maayos na pamamalakad ng garments industry sa loob at labas ng bansa. Napakaraming pamilya ang natutulungan nito, kaya lamang, ang mga hamon nito, kung hindi natin mahaharap ng maayos, ay lubhang makakasama hindi lamang sa mga manggagawa nito, kundi para sa ating lahat. Kailangan maging sustainable at makatarungan ang industriya upang tunay itong maging makabuluhan at mabuti para sa tao.
Kapanalig, nais natin na maging matagumpay ang mga industriyang tumutulong sa pagpuksa ng kahirapan sa buong mundo. Kaya lamang, kailangan nating maunawaan na hindi lamang produksyon o kita ang dapat maging pokus dito. Dapat nating unahin ang kapakanan ng tao. Sabi nga sa Gaudium et Spes, “lason sa sa ating lipunan ang mga “disgraceful working conditions where men are treated as mere tools for profit.” Paalala din mula sa 1 Timothy 6:10: The love of money is the root of all evil.
Sumainyo ang Katotohanan.