635 total views
Isa sa mga angking talento ng ating mga kababayan ay ang pagtatahi, kapanalig. Ang talentong ito ay hindi lamang simpleng pag-gawa ng masusuot; ito ay isang sining, isang malikhaing gawain. Ito ay isang industriyang minsang namayagpag sa ating lipunan at nagbigay ng trabaho sa mahigit 600,000 na mamamayan noong mga taon 2000-2008. Pumangalawa din ito noon sa mga pangunahing exports ng bansa.
Ayon nga sa isang pag-aaral mula sa La Salle noong 2008 (DLSU-AKI Working Paper Series 2008-09), ang ambag ng industriya sa total exports ng bayan sa noong mga 1990s ay one-fifth ng total exports ng bayan. Noong 1995, umabot pa ito ng $2.570 billion. Nakakalungkot na nakaranas ang industriya na ito ng panghihina noong nakaraang mga taon. Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, ang garments industry sa ating bansa ay nagsimula noong mga 1950s pa. Sa haba ng panahon na ito, inaasahan sana na mas lalakas pa ang industriya, kaya nga lamang, maraming ma salik o factors ang nakaka-apekto sa paglago nito.
Una na rito ay ang pagtanggal ng mga quota for production sa pandaigdigang kalakalan ng pananamit. Malaki rin ang epekto ng paglakas ng produksyon ng mga garments o damit sa ibang bansa, particular na ang Tsina. Maliban sa bilis at dami ng produksyon, mura din ang bentahan dito. May epekto din ang gastos mula sa enerhiya at transport sa ating bansa. Dumadagdag kasi sa overhead cost ng mga negosyante ang taas ng presyo ng kuryente at transport sa bansa. Kapanalig, ang ating bansa ay isa sa may pinakamataas na electricity cost sa Asya. Ang pag-ship at pagtransport ng mga apparel para sa export o local selling ay mataas din sa ating bansa, lalo pa’t tayo ay isang arkipelago. Imported din kapanalig, ang karamihan sa ating raw materials, na nagpapataas din sa gastos para sa produksyon.
Umaasa ang maraming Pilipino na makilala ulit ang kalidad ng garments na gawa sa ating bayan. Ang dami ng ating mga skilled workers. Ngunit dahil sa panghihina ng sektor, iniwan na ng marami sa kanila ang garments industry upang maghanap ng mas mataas na kita sa loob at labas ng bayan.
Kapanalig, ang pangangalaga at pagbibigay atensyon sa ating garments industry ay pangangalaga din sa maraming pamilyang Pilipino. May pag-asa pa upang makita ng mundo ang mga world class garments sa ating bayan, kung bibigyan lamang ng suporta ang industriya. Sana’y magkaroon ng mga polisiya na muling gigising sa nahimbing na industriya ng garments sa ating bayan.
Ang pag-alaga sa mga industriya ng bayan ay pangangalaga din at pagkikila sa karapatan ng tao na magkaroon ng disenteng trabaho. Ang panlipunang turo ng Simbahan ay maraming gabay ukol sa mga isyung gaya nito. Ayon sa Rerum Novarum, “Ang tunay na hustisya ay nangangailangan ng pagkalinga at pagbabantay ng administrason sa mga manggagawa. Sa ganitong paraan, nakakabahagi sila sa bunga ng industriya na sama sama nilang nililikha.” Ang pagkalinga natin, kapanalig, sa mga industriya gaya ng garments, ay paninigurado rin na umaabot ang paglago ng ekonomiya sa mga maralitang manggagawa.