161 total views
Kapanalig, ang pagkakasakit ay isa mga kinakatakutang pangyayari ng maraming Filipino. Ang gastos para sa mga karamdaman, lalo na kapag malubha at pangmatagalan, ay maaring magtulak sa sukdulang kahirapan sa maraming pamilyang Filipino.
Bago pa man dumating ang pandemya, napakalaki na ng healthcare expenses sa ating bansa, at ang bulko nito ay sagutin ng mga households o kabahayan. Napakabigat na pasanin, kaya lamang sa sitwasyon natin, walang choice ang marami kundi tanggapin ito.
Noong 2018, 58.6% ng gastusing pang-medikal ay kargo ng mamamayan – nanggagaling mismo sa kanilang bulsa o ang tinatawag na out-of-pocket expenses. Tumaas pa ng 10.5% noong 2018 mula 2017 ang household spending sa ating bayan para sa health care. Tinatayang kada taon, isang milyong pamilya ang natutulak sa kahirapan dahil sa gastos pang-medikal. Lahat yan ay bago pa dumating ang pandemya, kung kailan mas madali makakuha ng trabaho pati medical care.
Noong dumating ang COVID 19, maraming mga Filipino ang napilitang magbayad ng napakalaking halaga para lamang maging malusog – partikular na ang mga mamamayang nagkaroon ng malubhang kaso ng COVID 19. Ang PhilHealth ay napakalaking tulong para sa mga hospital bills, lalo na kung nasasakop nito ang kabuuang gastusin ng mamamayan sa hospital. Kaya lamang, maliban sa gastusin para sa hospital facilities at services, malaki din ang gastusin sa mga gamot. Dagdag pa ito sa iba pang gastos ng pamilyang Pilipino, na kasalukyan pang bawas o walang kita dahil sa kawalan ng trabaho. Negatibo ang suma total.
Pinakita ng pandemya na hindi lamang ang health care system ng ating bansa ang marupok laban sa mga malawakang health crisis. Pinakita rin nito na marupok din ang karaniwang pamilyang Filipino pag dating sa ganitong uri ng krisis. Tinatamaan kasi nito hindi lamang ang kalusugan ng mamamayan, kundi pati ang kanyang sources of livelihood at ang mga oportunidad niyang kumita.
Ayon sa Populorum Progressio – lahat tayo ay nagnais na maging malaya sa pagdurusa at magkaroon ng katiyakan sa trabaho. Kaya lamang, tila imposible para sa marami ang makuha pa ang mga batayang pangangailangan nito.
Kaya’t marami pa ang kailangan nating gawin, kapanalig, upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Kailangang patatagin- gawing resilient – ng ating lipunan hindi lamang ang trabaho ng mga mamamayan at ang kanyang kita, kundi pati ang health care system, kasama ang health insurance, ng ating bayan.
Ang proteksyon sa kalusugan at sources of decent and sustainable livelihood ay mga salik o elemento ng dignidad ng ating pagkatao. Kung tunay na inuuna ng bayan at pamahalaan ang kapakanan ng tao, ito ay kanilang magiging prayoridad. Maging leksyon sana at eye-opener sa ating lahat ang pagdurusang narararanasan ng bayan ngayon.
Sumainyo ang Katotohanan