184 total views
Gawa at hindi salita ang hiling ng Concerned Citizens of Sta. Cruz Zambales kay pangulong Rodrigo Duterte at Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu sa problemang dulot ng pagmimina sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Benito Molino, chairman ng CCOS, naniniwala sila sa adbokasiya ng Pangulo ngunit nagpapatuloy pa rin ang mga operasyon ng mga sinuspindeng minahan sa Zambales.
“Lagi naming binabanggit ay sana yung mga sinasabi ni Pangulong Duterte ay gawan nya ng aksyon hindi lang panay salita kasi hanggat panay salita ang kanyang ginagawa at nagpapatuloy ang pag-hauling, ang pagmimina ay ang hirap paniwalaan, kaya kami ayaw namin ng ngawa gusto namin ng gawa,” bahagi ng pahayag ni Molino sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Molino, bukod sa pagpapatigil sa mga minahan ay kinakailangan ding panagutan ng mga mining companies ang pagkasirang idinulot nila sa kapaligiran lalo na sa mga sakahan, palaisdaan at mga daluyan ng tubig gayun din ang pagbibigay ng hustisiya sa lahat ng biktima ng perwisyong pagmimina.
Matatandaang sa ilalim ni dating DENR Secretary Gina Lopez, kabilang ang minahan sa Zambales sa 23 kumpanyang nais nitong ipasara dahil sa matinding pinsalang idinulot nito sa kapaligiran.
Sa kasalukuyan ay patuloy namang nananatili ang humigit kumulang 30 kasapi ng Concerned Citizens of Sta. Cruz Zambales sa harap ng tanggapan ng DENR kasama ang mga miyembro ng Save Manicani Movement upang ipanawagan ang pagpapatigil ng pagmimina sa kanilang lugar.
Nauna rito, inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical na Laudato Si ang mariing pagtutol niya sa pagmimina dahil sa nagiiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan.