228 total views
Homiliya Para sa Pang-siyam na araw ng Simbang Gabi, Biyernes ng Ikaapat na Linggo ng Adbiyento, Lukas 1:67-79
Minsan tinanong ko ang isang obispong nakatatanda nang kaunti sa akin at itinuturing kong isang “role-model”, kung ano ba ang sikreto niya at mukhang kahit gaano kabigat o karami ng mga responsibilidad niya, parang cool lang siya, hindi mukhang “stressed out”. Sabi niya, siyempre DASAL. Pero dasal na may kasama daw na ganitong attitude—“Hindi ko naman trabaho ito; trabaho ng Diyos. Nakikitrabaho lang ako sa kanya. Hindi naman hihinto ang pag-ikot ng mundo pag nakatulog ako, o nagkasakit, o pumalpak, o namatay.”
Parang ganito ang dating sa akin ng mensahe ng mga readings natin ngayon. Sa ating first reading mula sa 2nd book of Samuel, nahihiya daw si King David sa Panginoon dahil siya, bilang hari ng Israel, ay nakatira sa isang palasyo. Pero ang Diyos na hari ng sanlibutan, ang tirahan niya ay isang tolda lamang. Kaya kinausap niya ang propetang si Natan at sinabi sa kanya ang balak niya na ipagtayo ng bahay ang Diyos, isang templo. Sumang-ayon naman ang propeta sa kanya nang ganito, “Isagawa mo ang iyong iniisip dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.” (2Sam 7:3)
Pero nang gabing iyon, nagsalita daw ang Panginoon kay propetang Natan at ipinaabot ang mensahe kay Haring David, “Ipagtatayo mo ako ng bahay? Hindi. Baligtad. Ako ang magtatayo ng bahay para sa iyo.” (2Sam 7:5,11) At ang tinutukoy niyang bahay ay ang paghahari ng kanyang angkan na gagawing matatag ng Panginoon at mananatili magpasawalang-hanggan. The eternal house or dynasty of David.
Sa ebanghelyo naman, parang ganito rin ang mensaheng hindi agad pinaniwalaan ni Zacarias at naghintay pa ng siyam na buwan bago niya lubos na naunawaan. Ang buong buhay kasi niya ay naging parang mekanikal na, isang paulit-ulit na gawain sa loob ng templo—katulad ng pag-aalay ng insenso at pagkatay ng mga hayop para sa susunuging handog.
Pero nang sandaling iyon na mabigkas ni Zacarias ang pangalan ng anak niya, binigkas din niya ng isang awit ng papuri (ang Benedictus). Isang pagkilala sa mapagpalang kamay ng Panginoon sa kasaysayan ng kanyang bayan—kung paano niya sila nilingap at pinalaya, kung paano siya nagsugo ng kanyang hinirang na magliligtas sa kanilang bayan mula sa kanilang mga kaaway, kung paano niya tinupad ang pangako niya kay Abraham at kay David, at kung ano ang magiging bahagi o papel ng anak niya sa pagliligtas na gagawin ng Panginoon.
Kung minsan kasi, masyado tayong abala sa gusto nating gawin para sa Diyos, mga plano at proyekto na tayo lang ang may gusto at hindi naman niya hinihingi sa atin. Akala natin ginagawa natin para sa kanya pero para din lang pala sa sarili natin, hindi talaga para sa kanya.
Hindi kaya magpahanggang ngayon, ganoon pa rin ang hinaing ng Diyos laban sa atin? Hindi kaya kung minsan ang Diyos na sinasamba natin ay projection lang ng sariling kagustuhan natin? Hindi kaya talagang inaakala ng marami sa atin na maikukulong nila ang Diyos sa loob ng isang eskaparate, o maikakandado sa loob ng ating mga simbahan? Hindi kaya parang ang mensahe natin sa kanya ay, “Panginoon, diyan ka lang sa loob ng simbahan. Aalayan kita ng bulaklak, titirikan ng kandila, pauusukan kita ng insenso at hahandugan ng mga regalo. Pero diyan ka lang ha, kami na lang ang bahala, huwag mo na lang pakikialaman ang mga buhay namin, ang gawain namin, ang klase ng lipunan na balak naming buuin.”
Ganito rin ang punto ng propeta Isaias nang tawagin niyang walang kabuluhan ang mga ginagawa ng mga tao sa templo. Sa mas simpleng salita, parang ganito ang kanyang sinasabi, “Lumalapit nga kayo sa aking templo upang kumatay ng mga tupa, kambing at baka…habang hinahayaan ninyo paslangin ang inyong kapwa na parang mga hayop! Sino ang may sabing natutuwa ako sa mga ginagawa ninyo? Nasusuklam ako sa pagsamba ninyo. Hindi ko pakikinggan ang panalangin ninyo. Punong-puno ng dugo ang mga kamay ninyo. Maghugas muna kayo ng budhi. Labanan ninyo ang katiwalian, panindigan ang tama at totoo, pumanig sa katarungan, ipagtanggol ang mga kinakawawa, pakinggan ninyo nang may habag ang hinaing ng mga dukha, lalong lalo na ang mga balo at ulila.” (Isaias 1:11-17)
Ito ang gawain ng Diyos. Ito ang kaligtasang hangad niya. Dito tayo magsimula kung ibig nating sambahin ang ngalan niya, mapasaatin ang kaharian niya at sundin ang loob niya.