676 total views
Tanda ng pagmamahal ng Panginoon sa sangkatauhan ang patuloy na paglilingkod ng mga katekista.
Ito ang mensahe ni Davao Archbishop Romulo Valles sa paglunsad ng catechetical month sa arkidiyosesis sa misang ginanap sa San Pedro Cathedral.
Ayon sa dating pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, kapuri-puri ang gawain ng mga katekista sa masigasig na pagpapalaganap ng turo ng Panginoon gayundin ang paghuhubog sa mga kabataan.
“Diha sa inyong pagpangalagad daghang mga higayon walay thank you, walay pasalamat. Ayaw pagsalig sa pagdayeg sa mga pari, pagdayeg sa mga obispo. Kung magkulang kami, dili kami ang inyong gi-alagaran. Diha kaninyo makita nato ang Diyos kanunay nag-atiman,” mensahe ni Archbishop Valles.
[Sa inyong paglilingkod maraming beses na walang pasasalamat. Huwag asahan ang papuri mula sa mga pari o obispo. Kung nagkulang man kami [pari], hindi kami ang inyong pinaglilingkuran. Sa inyong paglilingkod nakikita na hindi pinababayaan ng Diyos ang sangkatauhan.]
Una nang pinuri ng CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang mga katekista sa masigasig na pagbabahagi ng turo ng simbahan sa mga paaralan upang hubugin ang espiritwalidad ng mamamayan lalo na ang kabataan.
Sa pag-aaral ng National Catechetical Studies ng University of Santo Tomas nasa 50-libo ang mga katekista sa buong bansa.
Tema ng catechetical month ngayong taon ang “The Catechists, Walking Together as Witnesses of the New Life in Christ” bilang paalala sa bawat isa na magbuklod tungo sa misyon ni Kristo.
Itinalaga ng simbahan sa bansa ang Setyembre bilang Catechetical Month bilang pagkilala sa unang Pilipinong martir na santo na si San Lorenzo Ruiz na isang katekista.