47,878 total views
March 10, 2020, 10:41AM
Pansamantalang ipagpapaliban ng Immaculate Conception Cathedral of Cubao ang mga gawain nito ngayong kuwaresma bilang bahagi ng pag-ingat sa paglaganap ng Corona Virus Disease sa bansa.
Ayon kay Fr. Dennis Soriano, Rector at Parish priest ng katedral, napagpasyahan ng Parish Pastoral Council na ihinto muna ang Stations of the Cross o Daan ng Krus, Parish Recollection at ang pagsasagawa ng Senakulo sa mga barangay na sakop ng katedral.
Bukod dito ang regular na programa ng katedral na “Mahal na ina” na Monthly formation tuwing unang Sabado ng buwan at ang “Dasalmusal” na pananalangin at pagpapakain sa mga naninirahan sa lansangan tuwing sabado ay pansamantala ring ipagpapaliban.
“The Parish Pastoral Council of the Immaculate Conception Cathedral of Cubao, in consideration of the safety of its parishioners and volunteers, has decided to CANCEL all barangay stations of the cross, the senakulo, and the parish lenten recollection (both at the Cathedral and at Robinsons Magnolia).” pahayag ni Father Soraino.
Samantala ang nakatakdang Visita Iglesia at fundraising project para sa retirement home ng mga pari na Casa Silencio ay ililipat sa ibang araw.
Naniniwala si Father Soriano na sa ganitong paraan ay mapangangalagaan ang kalusugan ng mga volunteers at mananampalataya sa parokya.
Hinihikayat din nito ang lahat na patuloy na manalangin at humingi ng awa ng Panginoon upang pawiin ang lumalaganap na epidemya sa buong mundo.
Ika-9 ng Marso inanunsyo ang tatlong bagong kaso ng COVID-19 sa Quezon City, isa sa Project 6, sa Baler Street at sa Tomas Morato, dahil dito nag kansela na din ng klase ang mga paaralan sa buong lungsod.