27,028 total views
Isinapubliko ng Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene ang mga gawain sa pagdiriwang ng Nazareno 2024.
December 30, 2023 ng 11:30 ng gabi ay isasagawa ang nakagawiang Thanksgiving procession sa paligid ng Quiapo habang December 31, 2023 hanggang January 8, 2024 ang misa nobenaryo kung saan ngayong taon itinalaga ng dambana ang lahat ng misa para sa paghahanda sa kapistahan.
Ang misa nobenaryo ay live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846AM mula December 31, 2023 hanggang January 8, 2024 ng alas 6 ng gabi.
Isasagawa ang barangay visitation sa paligid ng Quiapo mula January 1 hanggang 6 habang sa 3 at 4 naman ang replica blessing at procession sa ala 1:30 ng hapon.
Sa January 6 ganap na ikaanim ng gabi isasagawa ang misa para sa volunteer’s ng Nazareno 2024 na susundan ng pagbubukas sa Pahalik sa ikapito ng gabi na magpapatuloy hanggang January 8 sa Quirino Grandstand.
Sa January 8 ng alas 5:30 ng hapon isasagawa ang Panalangin sa Takipsilim na susundan ng vigil at ilang palatuntunan sa ikaanim ng gabi.
Magsisimula ang Fiesta Mass sa January 8 ng alas tres ng hapon hanggang alas 11 ng gabi habang sa January 9 ng hatinggabi isasagawa ang Misa Mayor sa Quirino Grandstand na pamumunuan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na susundan din ng prusisyon ng imahe ng Poong Nareno pabalik sa dambana ng basilica.
Bagamat ibabalik ang tradisyunal na prusisyon ay natatangi ito ngayong 2024 sapagkat ilalagay sa glass case ang imahe upang mabigyang proteksyon at magkaroon ng pagkakataon ang mga debotong makita ito habang ipinuprusisyon.
Live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846AM, DZRV facebook page, Cignal channel 313 at Sky cable channel 211 ang fiesta mass, misa mayor ni Cardinal Advincula sa Quirino grandstand at prusisyon ng imahe ng Poong Hesus Nazareno hanggang sa makabalik ito sa Minor Basilica of the Black Nazarene.
Magpapatuloy naman ang fiesta masses sa Quiapo Church mula alas dose ng hatinggabi hanggang alas onse ng gabi kung saan sa kabuuan may 33 misa sa kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Tema sa Nazareno 2024 ang “Ibig naming makita si Hesus” na hango sa ebanghelyo ni San Juan.