156 total views
Hindi maapektuhan ng umiiral na Martial Law ang mga gawaing simbahan ngayong Disyembre partikular na ang pagdiriwang ng Misa de Gallo o simbang gabi.
Ayon kay Ozamis Archbishop Martin Jumoad, hindi magiging hadlang ang curfew para sa mga gawaing simbahan tulad ng pagsasagawa ng misa ngayong kapaskuhan.
“Maski may curfew. They (military) will understand as long as you write a letter and inform them,” ayon kay Archbishop Jumoad sa panayam ng Radio Veritas.
Unang inihayag ng Arsobispo na hayaang matapos ang martial law sa Mindanao ng hanggang sa katapusan ng taon.
Paliwanag ni Archbishop Jumoad, kalimitan ay dalawa ang misa sa madaling araw ito ay isinasagawa tuwing alas-3 at alas-4 ng madaling araw.
Ang curfew ay nagsisimula ng 10 ng gabi hanggang sa 5:00 ng umaga.
Sa naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa deklarasyon ng batas militar kabilang sa mga may curfew ang Lanao Del Sur, Lanao Del Norte, Maguindanao, Sultan Kudarat, North Cotabato at Zamboanga.
Ang rehiyon ng Mindanao ay binubuo ng limang Arkidiyosesis kabilang dito ang Ozamis, Zamboanga, Cotabato, Cagayan De Oro at Davao.
Nagsisimula naman ang novena mass para sa panahon ng adbiyento ng December 15 hanggang sa Dec. 24 ang bisperas ng araw ng Pasko.
Ang misa de gallo ay isang tradisyong katoliko na hanggang ngayon ay isinasagawa hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa Espanya, Bolivia at Puerto Rico.
Sa isang mensahe noon ni Pope Emeritus Benedict XVI, hinikayat niya ang mga mananampalataya na hanapin ang tunay na kahulugan ng pasko o ang pagsilang ni Kristo na ating tagapagligtas at iwaksi ang komersyalismo.