343 total views
Mahalagang mabuksan ang kamalayan ng publiko sa mga iregularidad at hindi tamang paggamit ng pondo ng pamahalaan na nagmumula sa kaban ng bayan.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa mga iregularidad na lumabas sa audit report ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pondo ng bayan.
Ayon sa Pari, kinakailangang mamulat ang kamalayan ng taumbayan sa paraan ng pamamahala ng mga kasalukuyang opisyal ng bayan upang maging tanda ito para sa nakatakdang halalan at hindi na muling maihalal pa sa anumang posisyon o katungkulan.
“Sa ganitong usapin ay kailangan talagang maiparating sa publiko that irregularities are being committed left and right at pwede natin kasi itong gawing election issue later on. Kinakailangan nating imulat yung kamalayan ng mga kababayan natin na we cannot just trust this people, otherwise kung magpapabola na naman tayo and then we will elect the same leaders who have that propensity na bola-bolahin lang tayo, idribol-dribol lang tayo papaniwalain tayo sa mga gusto nila,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Pari na malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng kamalayan ng publiko sa paraan ng pamamahala ng mga opisyal upang magkaroon ng ganap na direksyon sa pagtahak sa landas ng maayos na pamamalakad ng mga lingkod bayan o ang tinatawag na good governance.
Inihayag ni Fr. Secillano na ang kamalayan ng publiko ay isang mahalagang salik upang matalinong makapili at makapaghalal ng mga karapat-dapat na mga opisyal na mamuno sa bayan.
“Kapag may kamalayan, may kaalaman ang publiko mas makatutulong yan para tayo ay magkaroon ng direksyon talaga sa tinatahak nating landas na maayos na pamamalakad, na ito yung tinatawag natin na good governance. So we really need to be discerning, we need to be informed and we really need to take action later on so that we will not anymore elect the same people as the government that we have,” dagdag pa ni Fr. Secillano.
Ito rin ayon kay Fr. Secillano ang layunin ng nakatakdang ilunsad na 1Godly Vote bilang ambag ng Simbahan para sa paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Iginiit ng Pari na bukod sa pagbubukas ng kamalayan ng taumbayan sa iba’t ibang issue o usapin ng pamamahala sa bansa ay mahalagang ring maunawan ng mamamayan na bilang botante ay dapat na sumalamin ang mga paraan ng pagpili o pagkilatis sa mga lingkod bayan sa tinig ng Diyos at ninanais ng Panginoon para sa kayang bayan.