9,048 total views
Hinikayat ng Health Ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na regular na magpakonsulta sa doktor upang matiyak ang kalusugan at maiwasan ang iba’t ibang karamdaman.
Kaugnay ito ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng atake sa puso sa bansa, na madalas humahantong sa kamatayan.
Ayon kay Camillian priest Fr. Dan Cancino, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Healthcare, mahalagang bigyang-pansin ang regular na pagpapakonsulta upang maagapan at mabigyan ng tamang lunas ang anumang umiiral na karamdaman.
“One of the health behavior is ‘yung regular check-up. Kasi alam naman natin na tumatanda din tayo. Tumatanda din ‘yung ating katawan. Pero ‘pag meron kang regular check-up, this is one of the going back to the basics. Kung mahalaga ‘yung katawan mo, mahalaga ang buhay mo, papahalagahan mo ito,” ayon kay Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Fr. Cancino na ang pagkakaroon ng sakit sa puso, bukod sa namamana, ay maaari ring makuha sa pagkain ng matataba at maalat, pati na rin ang kakulangan sa regular na ehersisyo.
Dagdag pa ng pari na kapansin-pansin ang pagtaas ng mga kaso ng sakit at atake sa puso kasunod ng paglaganap ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Fr. Cancino, maaaring may kaugnayan ito sa mental health issues tulad ng stress at matinding pag-aalala dahil sa kawalan ng trabaho at pagkawala ng mga mahal sa buhay.
“Ang sabi natin after COVID-19 pandemic, meron din isa pang papausbong na pandemic at ito ‘yung ating mental illness. Maraming naapektuhan dahil nga stress, napakaraming problema. Ito rin ay nagdudulot o nagco-contribute doon sa pagtaas ng kaso ng mga heart attack, ng hypertension, and the rest,” saad ni Fr. Cancino.
Sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, ang ischemic heart disease ang nangunang sanhi ng pagkamatay sa bansa, na umabot sa halos 126,000 kaso sa unang anim na buwan ng 2021, at mahigit 113,000 sa parehong panahon noong 2022.
Mula Enero hanggang Setyembre 2023, muling nanguna ang ischemic heart disease sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) bilang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa, na may higit 85,000 kaso; sinundan ito ng neoplasms, na mahigit 47,000 kaso; at cerebrovascular disease na umabot sa higit 45,000 kaso.
Samantala, bukod sa pangangalaga sa pisikal at mental na kalusugan, hinimok din ni Fr. Cancino ang publiko na bigyang-halaga ang espiritwal na kalusugan, na maaaring makatulong sa pagkakaroon ng payapang kalooban at maranasan ang mapagpagaling na presensya ng Panginoon.
“Kapag alam mong may connection ka sa Panginoon, may mga dumating mang problema sa ating buhay, alam mong may pag-asa… The basic of a healthy mentality would be a mentality that is grounded on hope. And babalik tayo sa basic ng ating spirituality—ang ating buhay pananampalataya na mayroong Diyos,” ayon kay Fr. Cancino.