558 total views
Gawing huwaran si San Roque upang maging mabuti at maipadama sa kapwa ang pag-ibig ng Diyos.
Ito ang homiliya ni Monsignor Pablo Legaspi ng Diyosesis ng Malolos sa paggunita sa kapistahan ng San Roque Parish sa Longos, Pulilan, Bulacan.
Ayon kay Monsignor Legaspi, mahalagang maipadama sa kapwa ang ibat-ibang pamamaraan ng pakikipag-kawanggawa katulad ng pag-aalalay ni San Roque ng kaniyang buhay upang walang pag-aatubiling alagaan ang may mga karamdaman.
“Sa kasaysayan alam naman natin ang pinagdaanang pagsubok ni San Roque tapos kung papaano sa kabila ng pinagdaanan niyang sakit, nakuha niya dahil sa pagtulong sa tao, ang Diyos hindi siya pinabayaan kaya may aso na nagdadala ng tinapay sa kanya and later on yung kabutihan na yon ni San Roque naging daan para yung mga tao, manumbalik rin sa pananampalataya,” pahayag ni Monsignor Legaspi.
Mensahe naman ni Sister Aurora Seguis ang Hermana Mayor ng kapistahang bayan, malaki ang naging tulong ng pananalangin kay San Roque na kanilang Patron upang ipag-adya ang kanilang bayan mula sa pandemya at iba pang uri ng sakit.
Si San Roque ang kilalang pintakasi laban sa nakakahawang sakit, peste at ibat-ibang uri ng salot na inialay ang kanyang buhay sa paglilingkod sa mga may karamdaman.
Bilang paggunita sa kapistahang bayan ay idinaos sa San Roque Parish ang Misang inialay upang patuloy na ipanalangin sa Panginoon at San Roque ang pag-aadya mula sa anumang sakit na sinundan ng prusisyon bilang pagpupugay sa santo.
Ang buong Simbahang Katolika naman ay ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Roque tuwing ika-16 ng Agosto.