3,541 total views
Gamiting inspirasyon at pamamagitan si Saint Vincent de Paul upang mapukaw ang sarili at maimpluwensyahan ang kapwa na paigtingin ang mga pagtulong sa mga mahihirap.
Ito ang mensahe ni Father Joel Rescober, Rector at Parish Priest ng Archdiocesan Shrine of Our lady of the Miraculous Medal and Saint Vincent De Paul Parish sa paggunita tuwing October 17 ng World Day for the Eradication of Poverty.
Ayon sa Pari, bagamat matagal ng problema sa lipunan ang kahirapan ay patuloy parin ang simbahan sa pakikiisa sa mga inisyatibong itinataas ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap sa lipunan.
“Si Saint Vincent De Paul nuong panahon niya ay namuhay siya sa panahon na maraming naghihirap sa France at nakita niya yon at naranasan niya, kaya sa kaniyang sariling pamamaraan at kakayanan ang pinukaw niya ang maraming mayayaman, ang mga nasa impluwensya sa gobyerno na talagang tumulong sa mga mahihirap, kaya nakapag-organize siya ng maraming institusyon sa mga communities para talagang maging organisado ang talagang pagtulong sa mga mahihirap,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Rescober.
Sa tulong ng maayos na pag-oorganisa, pinaigting na pagtutulungan ng mga poverty alleviation movements at groups ay tiwala si Father Rescober na matutugunan ang suliranin ng kahirapan.
“Kailangan na isulong natin ang talagang pagtutulungan, matatapos lang po talaga ito (ang kahirapan) kapag nagkaisa tayong lahat, di lang pagtulong sa mga mahihirap kungdi pagkakaisa para sa karapatan, katarungan,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Father Rescober.
Magugunitang si Saint Vincent De Paul ay tinaguriang ‘Patron Saint of All Charitable Associations’ matapos ialay ang kaniyang buhay sa pagtitipon sa mga may kakayahang tulungan ang mga mahihirap upang mapabuti at makapamuhay sila ng may diginidad sa lipunan.
Tuwing October 17 naman ginugunita ng United Nations ang International Day for the Eradication of Poverty upang higit na mapalalim ang kaalaman ng bawat mamamayan hinggil sa nararanasang matinding kahirapan araw-araw ng 700-milyong tao sa buong mundo.