475 total views
Mga Kapanalig, itinuturing na pangalawang tahanan ng mga bata ang mga paaralan. Ngunit paano kung ang pangalawang tahanan na ito ay balót ng karahasan at pang-aabuso?
Ito ang katotohanang nakakubli sa isang premyado at tinitingalang art school na pinatatakbo ng gobyerno kung saan natuklasang may mga kaso ng pang-aabuso sa mga batang estudyante doon. Sa isang article ng VICE World News, detalyadong isiniwalat ang iba’t ibang salaysay ng mga dating estudyante kung saan tila nagiging kultura at normal na lang ang sekswal at pisikal na pang-aabuso sa loob ng Philippine High School for the Arts (o PHSA) sa Mt. Makiling, Los Baños, Laguna. Mga guro, empleyado, at kapwa estudyante ang sinasabing sangkot sa mga kaso ng pang-aabusonng diumano ay nangyayari pa rin hanggang ngayon.
Ayon sa isang anonymous source, ang mga nakatatandang miyembro ng faculty ay para bang walang nakikitang mali sa mga nangyayari sa kanilang paaralan. Katulad din ng pahayag ng maraming biktima, tila nagbubulag-bulagan at binabalewala lang ng administrasyon ng PHSA ang mga reklamo ng mga estudyante. Mas lalong nakababahala ang balitang ito lalo na’t kadalasang nag-uumpisang pumasok doon ang mga mag-aaral sa edad na 11 hanggang 14, at doon sila nananatili ng hanggang anim na taon. Ayon sa pahayag ng Child Rights Network (o CRN), isang koalisyong nagtataguyod ng karapatang pambata, dapat may ipinatutupad na child protection measures ang mga paaralan upang hindi lumaganap ang pang-aabuso at pangmamaltrato sa mga estudyante.
Maituturing na pisikal, mental, at emosyonal na karahasan din ang sekswal na pang-aabuso dahil sa masamang epekto nito sa katawan, pag-iisip, at emosyon ng mga bata. Nariyang nakararanas sila ng matinding trauma na kalimitang bitbit nila sa kanilang pagtanda. Mayroon din silang mataas na risk o panganib na magkaroon ng sakit, depresyon, pagkabalisa, at maging pag-iisip ng pagpapakamatay. Matindi rin ang pangmatagalang epekto ng sekswal na pang-aabuso sa mga bata lalo na kung nangyayari ito sa paaralan. Sa isang pag-aaral ng UNICEF, sinasabing nagkakaroon ng mababang self-esteem o pagpapahalaga sa sarili ang mga biktima ng pang-aabuso. Nakararamdam sila ng kalungkutan, takot, at pag-iwas sa ibang tao na kalimitang nagiging dahilan para mahinto sila sa pag-aaral. Tatlo lamang sa bawat sampung biktima ng pang-aabuso ang humihingi ng tulong mula sa kanilang pamilya o ahensya ng pamahalaan. Maraming biktima ang hindi ipinaaalam sa ibang inabuso o pinagsamantalahan sila dahil sa hiya, takot na mahusgahan o paghigantihan ng maysala, o pangambang walang maniniwala sa kanila. Sumasalamin ito sa mahinang sistemang pangkatarungan na nagiging dahilan para hindi mahuli at mapanagot ang mga salarin.
Hindi matatawaran ang lawak at lalim ng kapahamakang dulot ng pang-aabuso o ng anumang uri ng karahasan sa dignidad at karapatan ng mga bata. Ang trauma mula sa sekswal na pang-aabuso at karahasan ay lumilikha ng pakiramdam na kahinaan, kahihiyan, at takot na maaaring makaapekto sa buhay ng isang batang biktima sa mahabang panahon. Sa mga pagkakataong ito, tungkulin at responsibilidad ng buong komunidad na tumugon. Gaya ng binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan, mahalaga ang pakikilahok sa mga usapin at gawaing tumututol sa paglabag sa dignidad ng mga bata, kabilang ang sekswal na pananamantala at iba pang uri ng karahasan.
Mga Kapanalig, hadlang ang sekswal na pang-aabuso at pisikal na karahasan sa pagyabong ng kanilang galing at talento sa larangan ng sining. Kailangan nila ng makabatang kapaligiran na tunay na lilinang sa kanilang kakayahan. Ang pagpapanagot sa mga salarin, ang pagpapaigting sa proteksyon para sa mga bata sa loob ng mga paaralan, at pagpapatupad ng mga batas na magtatanggol sa kanila ay magpapakita ng pagturing sa kanila bilang mga gantimpala mula sa Diyos, sabi nga sa Mga Awit 127:3.