584 total views
Hinimok ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang publiko na magkaisa para mapanatiling malinis ang mga sementeryo sa paggunita ng Undas.
Ipinaalala ni Belmonte ang kahalagahan ng kalinisan ng kapaligiran para sa kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng ibisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
“We appeal to the general public to keep the cemetery environment free of litter for the health, safety and convenience of everyone. Keeping our cemeteries litter-free is not only pleasing to the eye, but also a good way to show our awareness and responsibility towards the environment,” pahayag ni Belmonte.
Ginawa ng alkalde ang pahayag bilang pagsuporta sa kampanya ng EcoWaste Coalition na Untrash Undas: Enforce B.T.S. (Bawal magTapon sa Sementeryo) upang isulong ang malusog at ligtas na paggunita sa All Saints’ at All Souls’ Day.
Ayon naman kay EcoWaste National Coordinator Aileen Lucero, katulad ng pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay ay nararapat isaalang-alang ang pangangalaga sa kapaligiran.
Iginiit ni Lucero na ang pagkakalat ng basura ay paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, gayundin sa umiiral na Quezon City Environment Code.
Sa mga nakalipas na Undas, karaniwang naiiwan na sa mga sementeryo ang mga natirang pagkain, single-use plastic bags, at mga upos ng sigarilyo.
Matatagpuan naman sa Quezon City ang mga pampubliko at pribadong sementeryo tulad ng Bagbag at Novaliches Public Cemetery, Himlayang Pilipino Memorial Park; gayundin ang Christ the King Columbary, Mount Carmel Shrine Columbarium, at iba pa.
Nauna nang hinimok ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang publiko na igalang ang mga nakahimlay at gunitain nang taimtim ang Undas sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.