629 total views
Mga Kapanalig, natuloy rin sa wakas ang barangay at Sangguniang Kabataan (o SK) elections. Ginamit po sana ninyo ang inyong karapatang pumili ng mga karapat-dapat na taong mamumuno sa inyong barangay, ang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan ngunit pinakamalapit sa ating mga mamamayan.
Matatandaang dalawang beses nang inilipat ang petsa ng barangay at SK elections. Una ay noong Oktubre ng nakaraang taon, at pangalawa ay kahapon, ang ikalawang Lunes ng Mayo. Kung hindi sumalungat ang Senado, nais pa sana ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipagpaliban muli ito sa Oktubre ngayong taon.
Maraming dahilang sinasabi ang administrasyon kung bakit kinailangang i-postpone ang halalang dapat sana’y isinagawa noong Oktubre 2016 pa. Una, paniwala ni Pangulong Duterte, kontrolado ng mga drug lords ang mga lider ng barangay dahil ang mga ito ang nagbibigay ng pondo sa mga kapitan at kagawad—droga na naman ang dahilan. May mga nagsasabing kulang ang oras ng Comelec upang paghandaan ang eleksyon. Rason din daw ang mababang turnout ng mga nagparehistro upang makaboto sa barangay at SK elections. May mga nagsasabi namang nais isabay ng administrasyon sa barangay elections ang plebesito para sa Charter change upang maisulong na ang pederalismo.
Ngunit sa kabila ng mga pangangatwirang ito, kapansin-pansing matamlay ang naging pagtutol ng publiko sa makailang-ulit nang pagpapaliban sa barangay at SK elections. Ito ba ay dahil gusto ito ng pangulo at dapat masunod ang anumang sabihin niya? O baka naman sadyang maliit ang pagpapahalaga natin sa pamahalaang pambarangay gayundin ang pagtitiwala natin sa ating kapitan at mga kagawad.
Nakalulungkot ang pangalawang dahilan sapagkat sa barangay dapat unang dumudulog ang mga mamamayan sa tuwing may pangangailangang dapat aksyunan agad, katulad ng pagpapagamit ng sasakyang pang-emergency, pagpaplantsa ng mga gusot sa pagitan ng magkakapitbahay, at pagpapanatiling malinis at ligtas ang barangay. Kung mahirap abutin si meyor o si congressman, madaling malapitan dapat sina “kap” at mga kagawad. Dahil halos magkakakilala tayo sa barangay, madali rin dapat tayong mahikayat at mapakilos ng pamahalaang barangay kapag may sitwasyong nangangailangan ng sama-samang pagtugon gaya halimbawa kapag may kalamidad o kailangang linisin ang mga kanal at estero.
Kaya’t dapat lamang na pahalagahan ang pagpili ng kapitan at mga kagawad, gayundin ang pagpili ng mga kabataan ng kinatawan nila sa SK, dahil dito nagsisimula ang ating pakikilahok sa pamamahala. Tungkulin itong nakakabit sa pagbibigay-kapangyarihan sa taumbayan o people empowerment, isang prinsipyo ng Catholic social teaching. Mahalagang kilalanin ito dahil tayong mga mamamayan ang nakakaalam ng ating kalagayan, at ng mga suliranin at hangaring matutugunan ng mga programa at proyektong ipatutupad ng pamahalaang barangay. Kaya’t dapat na nakikisangkot tayo at aktibong sumasali at nakikialam sa mga gawain ng barangay.
Sa pagbibigay-diin ng kahalagahan ng pakikibahagi sa buhay ng ating barangay, maaari nating hiramin ang sinabi ni Pope Benedict XVI sa Caritas et Veritate tungkol sa negosyo at etika. Aniya, “ang mga programang pangkaunlaran… ay dapat na maging angkop at sang-ayon sa hinihingi ng pagkakataon; at dapat na kabahagi sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga ito ang mga taong inaasahang makikinabang.” Sa madaling sabi, hindi natin dapat iasa ang lahat sa ating mga lider. Ngunit hinihingi rin natin dapat sa mga lider natin ang kanilang katapatan at husay sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang mga lingkod-bayan. Pangangailangan ng lahat, hindi ng iilan o ng kakampi nila, ang dapat nilang tugunan.
Kaya, Kapanalig, nawa’y kilalanin ng mga nanalong kapitan, kagawad, at miyembro ng SK, ang kaparatan ng mga mamamayang makilahok sa pagbubuo, pagpapasya, at pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng barangay. Hinihiling naman sa atin ang ating kritikal na pakikipagtulungan at pakikiisa. Sa ganitong paraan magiging makabuluhan ang halalan kahapon.
Sumainyo ang katotohanan.