2,137 total views
Ito ang kahilingan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga deboto na makikiisa sa Traslacion 2018 o kapistahan ni Hesus Poong Nazareno.
“Sana po maging maka-kalikasan ang ating pagdiriwang. Makatao, Makabuhay, Maka-Diyos, at Makabayan. Magkita-kita po tayo sa darating na kapistahan. Maraming salamat po.” panawagan ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas
Ipinagdarasal ni Cardinal Tagle na ang pakikilahok ng mga deboto sa Traslacion 2018 ay mauwi sa mas malalim na pagkilala kay Hesus.
Umaasa ang Kardinal na ang pakikilahok ng mga deboto sa lahat ng aktibidad sa kapistahan ay lalong mapalapit pa na pagkapit kay Hesus bilang daan ng buhay at pangatawanan ang ating pananampalataya sa kanya tungo sa mabubuting gawa sa kapwa.
“Ang atin pong pakikilahok sa lahat ng activities sa kapistahan, sana po ay umuwi sa mas malalim pa na pagkilala kay Hesus. Mas malapit pa na pagkapit sa kanya bilang daan ng buhay at pangatawanan ang ating pananampalataya na umuuwi sa mabubuting gawa.” dasal ni Cardinal Tagle
Ipinaalala ng Kardinal na si Hesus ang daan, katotohanan at buhay.
“Sa taong ito po, ang tema ng pagdiriwang ay ang Poong Hesus Nazareno, siya ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Paghandaan po natin ang kaniyang kapistahan. Araw-araw po tumingin tayo kay Hesus. Siya po ang daan patungo sa Ama. Siya po ang Katotohanan na hinahanap-hanap natin. Siya po ang magbibigay ng buhay at muling-pagkabuhay sa atin at sa ating lipunan.” paanyaya ni Cardinal Tagle
Hinimok din Cardinal Tagle ang lahat ng deboto at mga mananampalataya na ipinalangin ang katiwasayan at malayo sa panganib ang lahat ng makikiisa sa Traslacion 2018.
“Ipanalangin po natin ang kapistahan ay maging malayo sa panganib. Atin pong ipanalangin ang katiwasayan ng lahat ng makikiisa at gayundin po sana maging malinis.” pahayag ni Cardinal Tagle
Kaugnay nito, tinawag ni CBCP-Episcopal Commission on the Laity Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na “language of love at language of the heart” ang masidhing pagpapakita ng pananampalataya ng mga deboto sa Poong Hesus Nazareno.
Read: Debosyon sa Poong Nazareno, language of love at language of the heart
Kaugnay ng Traslacion 2018, umaapela si Msgr. Hernando Coronel, Rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa mga mananampalataya na may mga sakit, buntis, bata at matatanda na huwag nang sumama sa prusisyon ng Mahal na Poong Hesus Nazareno upang makaiwas sa panganib.
Tiniyak ni Msgr. Coronel na kabilang sa mga ipagdarasal na intensyon sa kapistahan ng Poong Hesus Nazareno ang kapakanan at mga panalangin ng mga debotong hindi mabibigyan ng pagkakataon na makilahok at makahawak sa lubid ng andas.
“Yung may mga pre-existing heart condition dini-discourage natin sila (na makibahagi pa sa Traslacion) ipagdadasal nalang natin sila sa loob ng misa. Pero naintindihan natin ang sitwasyon nila pagkat gusto nilang makalapit sa ating Poong Senior, meron silang mga kahilingan sa pamamagitan ng mga dasal kaya nauunawaan natin kung yun ang purpose ng pagdiriwang.” pahayag ni Msgr. Coronel sa panayam sa Radyo Veritas.
Nanawagan naman si Msgr. Coronel para sa pakikipagtulungan ng bawat mananampalataya sa pagtiyak ng seguridad at kaligtasan ng lahat sa nakatakdang kapistahan.
Kaugnay nito, hinihimok ng Pari ang bawat isa na agad ipagbigay alam sa mga otoridad ang mga mapapansing kahina-hinala sa kasagsagan ng prusisyon o sa mga rutang daraanan ng Traslacion.
Kaugnay nito 4 na command post mula Quiapo Church, Manila City Hall at Luneta, hanggang sa Headquarters ng Manila Police District (MPD) ang ilalagay upang agad makaresponde ang mga pulis sa maaaring maganap sa kasagsagan ng Traslacion.
Bukod dito higit sa 200-CCTV Camera naman ang ikakabit ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang magsilbing mata sa 10-kilometro ruta ng Traslacion na katumbas ng 25-kalsada mula Quirino Grandstand, Luneta hanggang sa Quiapo Church.
Samantala umaasa rin ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene na hindi mawala sa bawat deboto ang espirituwalidad at tunay na kahulugan ng pananampalataya sa Mahal na Poong Hesus Nazareno para sa isang maayos, ligtas at makahulugan na Traslacion 2018.