478 total views
Ito ang panawagan ni Rev. Fr. Victorino Cueto, C. Ss. R. – Rector ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o mas kilala bilang Baclaran Church kaugnay sa National and Local Elections sa ika-9 ng Mayo, 2022.
Ayon sa Pari, dapat na maging bukas ang bawat isa sa paggabay ng Banal na Espiritu upang maisulong at manindigan ang lahat sa katotohanan at mangibabaw ang pagmamalasakit, pagmamahal sa kapwa at bayan.
Nanindigan si Fr. Cueto na hindi dapat na manaig ang dahas, salapi at kasinungalian sa halalan kaya’t kinakailangang ang sama-samang paninindigan ng bawat isa laban sa karahasan, talamak na vote buying at pagkalat ng fake news.
“Gawin nating marangal ang halalan na ito, ibig sabihin ay ang katotohanan, ang pagmamalasakit at pagmamahal, ang pagbibigay ng puwang sa Espiritu upang ang gamitin natin ay ang konsensya. Sa halalang ito hindi dapat mananaig ang power, ang dahas, hindi dapat mananaig ang pera, ang bilihan ng boto, hindi dapat mananaig ang kasinungalingan, fake news sa halip nga ito ay isang moral na pagtataguyod ng ating bayan bilang Filipino,” pahayag ni Fr. Cueto sa panayam sa Radio Veritas.
Umaasa naman ang Pari na maging makabuluhan para sa bawat botante ang nakatakdang paggunita ng Mahal na Araw upang pamarisan ang diwa ng pagmamahal ng Panginoon para sa kanyang bayan sa pakikilahok at pagdidesisyon sa nakatakdang halalan.
Giit ni Fr. Cueto, dapat na isaalang-alang at maging batayan ng bawat botante sa pagpili ng mga karapatdapat na ihalal sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan ang kapakan ng mas nakararami o ang common good lalo na ang mga kabilang sa maliliit at mahihinang sector ng lipunan sa pagboto sa nakatakdang halalan.
Ipinaalala ng Pari na gawing huwaran ng bawat isa ang Panginoon na hindi pansariling interes lamang ang pinahahalagahan sa halip ay handang i-alay ang kanyang bugtong na anak para sa kapakanan at kaligtasan ng sangkatauhan.
“Nawa ang diwa na ito [ng Semana Santa] na hindi makasarili ng ating Panginoon ang siyang maging diwa din natin lalong lalo na sa darating na halalan. Ang iisipin natin ay hindi lamang ang ating personal, pampamilya lang na kapakanan kundi higit sa lahat ay ang kapakanan ng nakararami sa ating mga kapatid na Filipino. Tulad ng Panginoon inialay niya ang kanyang sarili para sa lahat, ganun din tayo ay lalabas sa ating personal na interes lamang at sa halip ay ang ating isasaalang alang ay ang kapakanan ng mas nakararami lalong lalo na ng mga maliliit nating mga kapatid,” dagdag pa ni Fr. Cueto.
Magugunitang nasasaad sa pinakabagong liham pastoral ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa Halalan 2022 na may titulong “Be Concerned about the Welfare of Others” ang hamon na pagmalasakitan ang kapakanan ng kapwa sa pamamagitan ng matalino at mapanuring pagboto sa nakatakdang halalan sa darating na Mayo.