254 total views
Mga Kapanalig, new normal kung tawagin ang mga bagong pamumuhay natin ngayong may pandemya, ngunit nariyan pa rin ang dati nang problema sa ating mga siyudad katulad ng kakulangan ng maayos at mahusay na pampublikong transportasyon.
Ngayong niluwagan na ang mga paghihigpit sa paglabas ng mga tao, marami sa atin ang muli na namang sasabak sa kalbaryo ng pagko-commute. Bago pa man ang pandemya, bahagi na ng buhay ng isang commuter ang mahabang pila sa MRT o LRT; ang pakikipagsiksikan sa bus, dyip, o tren; pagkaipit sa napakabigat na daloy ng trapiko; ang pakikipagpatintero ng mga nagbibisikleta at naglalakad sa mga kasabayan nilang sasakyan. Ngayong sinasabing nasa new normal na tayo, ito pa rin ang mga isyung kinakaharap at haharapin ng mga kababayan nating walang sariling sasakyan. Ang tanong, hanggang kailan kaya magtitiis ang mga commuters sa ganitong sitwasyon sa araw-araw, gayong may banta pa rin ng pagkalat ng COVID-19?
Ayon sa grupong Move As One Coalition, karapatan natin ang makataong mobilidad: maayos na mga daanan at ligtas at maaasahang pampublikong transportasyon. Sa katunayan, 95% ng mga pamilyang Pilipino ay may miyembrong commuter, ngunit mababa pa sa 25% ang nakalaang espasyo para sa mga sasakyang ginagamit nila. Sa ating mga lansangan, kapansin-pansing naisasantabi ang mga walang sariling sasakyan na silang mas nakararami. Paliwanag naman ng grupong AltMobility, dahil ito sa mga programa at patakaran ng pamahalaang pabor lang sa mga may pribadong sasakyan. Halimbawa, layunin ng ipinagmamalaking “Build, Build, Build” program ng administrasyong Duterte na paramihin ang imprastraktura upang solusyunan daw ang malalang problema sa trapiko. Dahil ang ipinatatayong mga highways, skyways, at expressways ay nakalaan lang para sa mga sasakyan at dahil walang espasyo para sa mga bikelanes at sidewalks, mas maeengganyo pa ang mga taong bumili at gumamit ng sasakyang nagpapalalâ pa ng polusyon sa hangin at sa trapiko. Kaugnay nito, iyon lang ding may mga sariling sasakyan ang mas nakikinabang sa mga proyektong ito. Sa halip na magsilbing solusyon, nagiging ilusyon lang ang mga imprastrakturang ito na makakatulong daw sa paglutas ng problema sa trapiko, gayong ang mga ito mismo ang lumilikha ng problema.
Dahil sa pagkakaroon ng tinatawag na “car-centric” na patakaran ng pamahalaan, nagkaroon din ng pananaw at pagtingin ang maraming Pilipinong mahirap o hassle ang mag-commute. Ang nagiging tingin ng marami, magulo ang sistema ng pampublikong transportasyon at delikado ang maglakad at magbisikleta. Mahalagang gumawa ng mga patakaran at programang maghihikayat sa mga taong mas piliing mag-commute, at ito sana ang maging prayoridad ng susunod na administrasyon. Panahon na ring bigyang-pansin ang pagsasaayos o pagpapabuti sa kalagayan ng mga pasilidad ng mga pampublikong transportasyon.
Mahalaga ang transportasyon sa kahit saang lipunan. Ito ang tanging paraan upang makarating ang mga tao sa kanilang destinasyon katulad ng kanilang trabaho o eskwelahan, bilihan ng pagkain at pangangailangan, at pagamutan at ospital. Kung sapat ang ginagawang aksyon ng mga ahensyang dapat na tumutugon sa krisis sa pampublikong transportasyon, giginhawa ang paggalaw ng mga tao, mababawasan ang mga aksidente sa kalsada, mababawasan ang polusyon, at tunay na mapaglilingkuran ang taumbayan.
Sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, ipinaliwanag ni Pope Francis na dapat laging handang makinig sa iba pang pananaw at magbigay ng puwang para sa lahat ang mga nasa pamahalaan nang sa gayon ay walang naiiwan. Mahalagang bukás sila sa mga hinaing ng mamamayang pinaglilingkuran nila, kabilang ang mga commuters.
Mga Kapanalig, gaya ng winika ni Hesus sa Mateo 20:26, “kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba.” Malinaw na ang pamumuno ay tungkol sa paglilingkod, at kabilang rito ang pagbibigay-pansin sa kapakanan ng mga ordinaryong mananakay.