394 total views
Inihayag ng kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas na makabuluhan ang pagdiriwang ng Father’s Day ngayong taon sapagkat itinalaga ang Year of Saint Joseph sa buong taon.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, hinimok nito ang mamamayan lalo na ang mga ama na gawing huwaran ang mga halimbawa ni San Jose bilang tumayong haligi sa Banal na Pamilya.
“I ask each and every one of you to meditate to St. Joseph who provided for his family, who is faithful to his family, who put his family above all else; that’s what it means to be a father; fathers must emulate St. Joseph,” pahayag ni Archbishop Brown sa Radio Veritas.
Sa Hunyo 20, 2021 ipagdiriwang sa buong daigdig ang Araw ng mga Ama bilang paggunita at pagpaparangal sa kanilang mga sakripisyo sa kani-kanilang pamilya.
Disyembre 2020 nang ideklara ni Pope Francis ang Year of St.Joseph na magtatapos sa Disyembre 8, 2021 bilang paggunita sa ika – 150 anibersaryo ng pagiging patron ng simbahang katolika.
Sinabi pa ng nuncio na mahalagang tularan ang pagiging ulirang asawa at ama ni San Jose nina Maria at Hesus na siyang tunay na halimbawa ng pagiging isang mabuting ama at haligi ng tahanan.
Samantala sa hiwalay na panayam ng himpilan sinabi ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na dapat ipagdasal ang bawat ama.
“Mahalaga ang papel ng mga tatay kaya habang binabati natin sila sa Father’s Day, ipinagdarasal din natin na maging tapat sila sa kanilang tungkulin sa pamilya,” ani Bishop Pabillo.
Binigyang diin din ng obispo ang pagiging role model ni San Jose sa mga ama na kumakatawan ng Diyos Ama sa sanlibutan.
Dagdag pa ni Bishop Pabillo malaki ang tungkulin ng bawat ama ng tahanan sa pagpapalago ng buhay pamilya at katuwang ng asawa sa paggabay sa kanilang mga anak.
“Sana ngayong panahon ng pandemya makita ng mga tatay ang kahalagahan ng kanilang presensya sa pamilya, ang kanilang halimbawa sa mga anak at pakikiisa na magkatuwang ng kanyang asawa sa pagpapalago ng pamilya,” giit ni Bishop Pabillo.
Batay sa kasaysayan unang ipinagdiwang ang Father’s Day sa Amerika noong 1910 batay na rin sa pagpaparangal sa mga ina tuwing ikalawang Linggo ng Mayo.
Kapwa nagpaabot ng panalangin at pagbabasbas si Archbishop Brown at Bishop Pabillo sa lahat ng mga ama sa bansa at sa buong daigdig sa bilang pagbibigay pugay sa mahalagang araw ng mga ama.