348 total views
Naniniwala ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mahalaga ang pagkakaroon ng ganap na pag-unawa ng taumbayan sa tunay na sitwasyon ng bansa sa kahalagahan ng 2022 national election.
Ito ang binigyang diin ng Caritas Philippines sa kahalagahan ng boto ng bawat mamamayang Pilipino para sa kinabukasan ng bansa.
Sa pamamagitan ng Good Governance Webinar on National Situation – the context of our Vote in the 2022 Elections ay ibinahagi ni IBON Executive Director Sonny Africa ang kasalukuyang socio-economic at political situation sa bansa na kinakailangan ng agarang pagbabago at pagtugon para sa kapakanan ng taumbayan.
Ayon kay Africa, malaki ang epekto ng kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya at pulitika sa bansa sa pangkabuuang aspekto ng buhay ng mga Pilipino na hindi dapat isantabi at baliwalain ng sinuman.
Kaugnay nito, naniniwala si Msgr. Meliton Oso, Director ng Jaro Archdiocesan Social Action Center (JASAC) na nagsilbing reactor sa naganap na Good Governance Webinar ng Caritas Philippines na bukod sa vote buying ay ang paglaganap ng fake news ang isang problema tuwing halalan sa bansa.
“Ang problema natin sa election, vote buying at saka fake news, so number one enemy natin siguro is mis-information,” ang bahagi ng pahayag ni Msgr. Meliton Oso.
Paliwanag ng Msgr. Oso, dahil sa mga maling impormasyon ay hindi nagkakaroon ng sapat na batayan ang taumbayan upang makabuo ng isang naaangkop at matalinong desisyon para sa kinabukasan at kabutihan ng buong bayan.
“Fake and lies are concocted to deceive the public, they confuse the public, disempower them from making informed decision,” dagdag pa ni Msgr. Oso.
Iginiit ng Caritas Philippines na kaakibat ng pagmamalasakit sa kapwa at sa kinabukasan ng bayan ay ang pakikilahok sa mga usaping panlipunan partikular na ang nakatakdang
halalan.
Binigyang diin naman ng Caritas Philippines na ang unang hakbang upang maging isang ganap na botante ay ang pagpaparehistro sa patuloy na isinasagawang voters’ registration ng Commission on Elections na magtatagal na lamang hanggang sa ika-30 ng Setyembre, 2021.