89,836 total views
Mga Kapanalig, sa Mga Kawikaan 26:27, mababasa natin ito: “Ang nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon. Ang nagpapagulong ng bato ang siyang tatamaan niyon.”
Hindi bahagi ng pananampalatayang Kristiyano ang tinatawag sa ibang paniniwala na karma. Ang alam natin, gaya ng ipinahihiwatig ng binasa nating teksto mula sa Mga Kawikaan, ang paggawa ng kabutihan ay sinusuklian ng kabutihan, habang ang paggawa ng mali ay kapahamakan ang dala.
Maraming patakaran ang nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinatupad sa pamamagitan ng pag-uumang ng bitag at pagpapagulong ng bato. Marahas at madugo ang mga ito, lalo na ang giyera nito kontra droga. Mula sa malalaking drug personalities hanggang sa maliliit na nagtutulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, literal na ipinaligpit sila gamit ang karahasan. Naging instrumento dito ang mga pulis.
Sa pagpapatuloy ng mga pagdinig ng apat na komite sa Mababang Kapulungan na layong alamin ang ugnayan ng Philippine Offshore Gaming Operators (o POGO) sa kalakalan ng droga, extrajudicial killings, at iba pang krimen, ilang aktibo at retiradong pulis na ang ipinatawag ng mga kongresista. Isa sa kanila si retired police officer Royina Garma.
Ipinatawag ang dating koronel ng PNP matapos ituro ng isang dating officer-in-charge ng Davao Prison and Penal Farm si Garma na sinabihan siyang huwag pakialaman ang planong pagpapaligpit sa tatlong Chinese inmates noong 2016. Galing din daw kay dating Pangulong Duterte ang utos na patayin ang mga dayuhan. Banta raw ni Garma sa tagapangasiwa ng bilangguan, makipagtulungan na lang siya nang hindi madamay ang kanyang pamilya.
Labindalawang oras na tumagal ang pagdinig, at sa huli, mas pinaniwalaan ng mga mambabatas ang sworn affidavit ng iba pang inimbitahan sa pagdinig. Paulit-ulit na itinanggi ni Garma ang mga paratang sa kanya, maging ang pagiging malapít niya sa dating pangulo. Dahil sa pagtangging magbigay ng “categorical answer” sa kanilang mga tanong, ipina-cite in contempt si Garma ng mga mambabatas. Klarong iniiwasan daw niya ang mga tanong sa kanya.
Sa puntong iyon, hindi na napigilang umiyak ni Garma. Pansamantala kasi siyang idinetene sa Kamara. May anak na babae raw siyang kailangan niyang alagaan dahil ilang beses nang nagtangkang magpatiwakal. Hindi raw niya kayang iwan ang kanyang anak.
Ito rin marahil ang gustong sabihin noon ng marami sa mga pinatay na magulang ng mga naulila na ngayon dahil sa madugong giyera kontra droga ng dating administrasyon. May mga anak silang kailangang pakainin at asikasuhin. May mga anak silang dapat palakihin at buhayin. Totoo mang gumagamit o nagtutulak sila ng ipinagbabawal na gamot o hindi, mga magulang din silang nag-aalala para sa kanilang mga anak.
At katulad ng anak ni Garma, ang mga anak na pinatay ng mga pulis sa kanilang operasyon ay nangangailangan din ng pagkalinga ng kanilang magulang. Isa sa kanila ang anak ni Raquel Lopez na si Rabby. Pinatay si Rabby sa kasagsagan ng giyera kontra droga sa Cebu City, kung saan si Garma ang hepe ng PNP. Ikinuwekto ng abogado ni Raquel na si Atty Kristina Conti kung gaano katindi ang galit ni Garma nang makita ang burol ni Rabby. Bakit isa lang daw ang pinaglalamayan sa lugar gayong marami raw dapat na iniligpit doon ang mga tauhan niya?
Mga Kapanalig, dignidad ng tao—isang pangunahing prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan—ang dapat na ipinagtatanggol ng mga tagapagpatupad ng batas. Hindi sila dapat umastang berdugo, dahil katulad ng mga ipinapapatay nila, sila rin ay mga magulang, sila rin ay may mga anak. Nananalig tayong bagamat mabagal, unti-unti nang gumugulong ang katarungan para sa mga biktima ng war on drugs.
Sumainyo ang katotohanan.