444 total views
Bukas na sa publiko ang GEN 129 o Caritas Green Evolution Plant Project.
Pinangunahan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. at Bishop Broderick Pabillo,Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila ang pagbabasbas at pagbubukas ng proyekto ng Caritas Manila at Caritas Margins na Gen 129 o Caritas Green Evolution Plant Project noong ika-31 ng Agosto sa San Carlos Seminary sa Guadalupe, Makati.
Inihayag ni Caritas Manila executive director Fr.Anton CT Pascual na layunin ng Gen129 na bigyang kahalagahan ang pagtatanim at pagkain ng mga gulay upang tugunan ang kakulangan sa pagkain, kawalan ng trabaho at pagsusulong sa pangkalikasang adbokasiya ng simbahan ngayong COVID-19 pandemic.
Ayon kay Fr.Pascual, nais tugunan ng Gen129 ang problema ng bansa lalu ng Metro Manila sa food security.
“Ito ngang ating Gen129 Movement ng Caritas Manila, ito ay galing sa Genesis 1:29 na kung saan ang ibinigay sa ating pagkain ng Panginoon ay gulay. Kaya’t naglunsad ang Caritas Manila ng Gen129 Project upang itaas ang ating kamalayan sa kahalagahan ng gulay sa ating buhay; para ma-address natin yung food security, may problema tayo sa pagkain sa susunod na mga dekada, kaya kailangang magtanim na tayo ng gulay,”pahayag ni Fr. Pascual
Iginiit ng Pangulo ng Radio Veritas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malakas na resistensya sa pagkain ng gulay ngayong panahon ng pandemya.
“Mahalaga ang pagkain ng gulay para tayo’y maging malusog at malakas. Ngayong panahon ng pandemya mahalaga ang strong immune system, kaya para lumakas ang ating katawan, kumain tayo ng mas maraming gulay at prutas.”, ayon sa pari.
Ang Gen129 Project ay pakikiisa rin sa pagdiriwang ng Season of Creation ngayong Setyembre upang itaas ang kamalayan ng bawat isa sa kahalagahan ng kalikasan maging sa kalusugan at kaligtasan.
Layunin din na palaganapin ang proyektong ito hindi lamang sa Archdiocese of Manila, kundi maging sa iba pang karatig na Diocese, pamayanan at mga tahanan.
Ang Gen129 Project ay bahagi ng Kilusang Plant-Based diet na inisyatibo ni Fr. Pascual na nagsusulong ng kampanya para sa pagkaing walang mukha.