250 total views
Masasabi natin, kapanalig, na sa ating bayan, dama natin ang gender equality. Pang-19th nga tayo sa 146 countries – nasa top 20 – pagdating sa optimal gender parity, ayon sa Gender Gap Report ng World Economic Forum. Sa buong Asya, tayo ang best performing.
Magandang balita ito, kapanalig, hindi ba? Dapat pa nating pag-igihin, dahil kahit na nasa top 20 pa tayo, bumaba ang ating ranggo mula 17th noong 2021 tungo sa 19th noong 2022. May mga gaps o puwang pa rin tayong dapat punan.
Isa na rito kapanalig, ay ang mababang labor participation rate ng mga babae sa ating bayan. Nasa 55.9% ito noog Agosto 2022, kumpara sa 76.2% labor participation rate ng mga lalaki. Ang ating bayan ang isa sa mga may pinakamababang women labor participation rate sa buong Southeast Asia.
Ito ay dahil kahit pa malaki na ang ating progress pagdating sa gender equality, marami pa ring mga balakid sa partisipasyon ng mga kababaihan sa mundo ng trabaho. At karamihan sa mga balakid na ito ay gendered, kapanalig.
Isang halimbawa ay ang hirap makapagtrabaho ng babae dahil naka-atang sa kanila ang responsibilidad sa tahanan at pangangalaga sa mga anak pati mga seniors. Ang responsibilidad na ito, karaniwan, ay babae ang default sa maraming pamilya. Normal nga sa atin, hindi ba, na makita ang mga housewife kaya kadalasan, hindi na natin sila binibigyang pugay o pinasasalamatan sa dami at bigat ng ginagawa nila para sa atin. Ordinaryo lang.
Kapag ang lalaki naman ay naging househusband, bilib na bilib tayo at kulang na lang ay bigyan natin ng medalya. Hindi likas sa atin na paniwalaan na maaaring maging normal na gawain ng lalaki ang mga bagay na ito kahit pa marami ng lalaki ngayon ang tumatayong nanay na rin ng tahanan – naglilinis, namamalengke, nagluluto, nagpaplantsa, at nag-aalaga ng anak. Dapat pa nga nating isulong ito dahil pag mas maraming gumagawa nito, tunay na shared responsibility na ang pagtataguyod ng tahanan at pamilya. Mas madali para sa lahat kumilos, magmahal, at maabot ang rurok ng kanilang potensyal at tagumpay.
Sabi nga ni Pope Francis sa isang press conference noong November 2022: “Women are a gift to society — but the struggle for their fundamental rights is doomed to continue as long as there are places in the world where women are not valued as equals… We have to keep fighting for women’s equality.”
Sumainyo ang Katotohanan.