236 total views
Binigyang diin ng In Defense of Human Rights and Dignity Movement o iDEFEND na hindi naaangkop si dating Philippine National Police Chief Director General Bato Dela Rosa na mamuno bilang bagong hepe ng BuCor o Bureau of Corrections.
Ayon kay Ellecer Carlos, Spokesperson ng iDEFEND, base sa naging marahas na paraan ni Dela Rosa sa pagsugpo sa talamak na kalakalan ng illegal na droga sa bansa ay hindi ito tugma sa isang reform institution tulad ng Bureau of Corrections kung saan layunin nitong maitama at mapanibago ang mga bilanggo.
“Si Police Director General Bato Dela Rosa actually do not belong in a reform institution kasi diba restorative nga tayo, ang track record niya is actually punitive, violent at yun ang inimplement niya so how can he actually kung pinapatay nalang sa kalsada, sini-circumvent yung justice may contempt siya for the rule of law, how can he oversee an institution that actually reforms people, hindi kasi yan pagpaparusa, kapag sinabi mong restorative justice o reforms ay pagmomolde mo sa tao upang sa ganun ay maging mas maayos siyang miyembro ng kumunidad…” pahayag ni Carlos sa panayam sa Radyo Veritas.
Dahil dito, hindi maiiwasan na mangamba ang mga human rights group para sa kapakanan ng mga bilanggo sa ilalim ng pamuno sa BuCor ni Dela Rosa.
Kaugnay nito noong linggo ay sorpresang binisita at ininspeksyon ni Dela Rosa ang medium at maximum security compound ng Bilibid upang tingnan ang mga maaari niyang tutukan.
Sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology tinatayang umaabot na sa higit 131 – libo ang bilang ng mga bilango sa buong bansa.
Matatandaang una na nang binigyang diin ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na dapat ay Restorative sa halip na Punitive Mentality ang dapat na mamayani sa Justice system ng bansa upang bigyan ng pag-asa o pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo na makapagsisi, makapagbalik-loob at makapagbagong buhay.