24,584 total views
Dapat mapanagot ang mga nasa likod ng sinasabing “gentleman’s agreement” sa pagitan ng China at Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo na West Philippine Sea (WPS).
Ito ay kaugnay na rin sa patuloy na pagtaas ng tensyon sa pinagtatalunang teritoryo at ang pinakabagong banta ng China na huhulihin ang mga ‘tresspasser’ sa WPS.
Ayon kay Assistant Majority Leader at Taguig City Representative Amparo Maria Zamora, maraming international law ang malalabag ng China kung itutuloy ang sinasabing panghuhuli sa mga dayuhang na papasok sa WPS.
“Katubigan po natin ito, pero maliban po dito meron tayong tinatawag na freedom of navigation among nations, kaya po magdalawang isip sila kasi hindi lamang Pilipinas ang kakalabanin nila kapag ginawa ito, buong mundo na nakasuporta sa Pilipinas,” ayon kay Zamora.
Binigyan diin pa ni Zamora na sakaling matukoy kung sino ang mga nasa likod ng ‘kasunduan’ ay dapat silang mapanagot, dahil sa problemang idinulot ng sinasabing kasunduan sa kasarinlan ng bansa at karapatan ng mga Filipino lalo’t higit ang mga maliliit na mangningisda.
“We should hold them accountable. We should put them to jail,” ayon sa pahayag ng mambabatas sa ginanap na pulong balitaan sa Kamara.
Ayon naman kay La Union 1st district Representative Francisco Paolo Ortega, tila mayroong pinanghahawakan ang Chinese government laban sa Pilipinas sa sinasabing kasunduan, dahilan upang patulo’y na harangin ang mga Filipinong mangingisda sa WPS, at miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) para magdala ng suplay sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre.
“Kung magkakaroon ng agreement siyempre dalawang parties ang kailangang sumang-ayon dyan. ‘Yun po ang iniimplement ng China ngayon, malamang yun din ang agreement sa kanila galing sa Pilipinas,” ayon kay Ortega.
Sinabi naman ni Zambales 1st District Rep Jefferson Khonghun, nakadaragdag sa hinala na walang dumalong mga opisyal ng dating administrasyon sa isinagawang pagdinig sa Mababang Kapulungan, kaugnay sa usapin ng kontrobersyal na kasunduan, kabilang na ang sinasabing “new model” agreement.
“Siyempre hindi natin malaman kung ano ba talaga ‘yung napag-usapan, meron ba o wala? Dahil yun nga ang sinasabi ko na napaka-importante sa ating pamahalaan na meron tayong transparency, check and balance, na ang ipinapasok na kasunduan ng ating pamahalaan lalo na ang executive department ay base sa ating national interest,” ayon kay Khonghun.
Kabilang sa inimbitahan sa pagdinig ng House Committee on National Defense at Special Committee on the West Philippine Sea sina dating Defense Secretary Delfin Lorenzana, dating National Security Adviser Hermogenes Esperon, dating Executive Secretary Salvador Medialdea at dating Presidential Spokespersons Harry Roque at Salvador Panelo.
Inirerekomenda rin ni House Deputy Minority Leader France Castro na imbitahan sa pagdinig si dating Pangulong Rodrigo Duterte.