555 total views
Mga Kapanalig, narinig n’yo na ba ang salitang “geoengineering”?
Ang geoengineering ay tumutukoy sa malawakang teknolohikal na interbensyon sa sistema ng klima ng mundo upang labanan ang mga epekto ng climate change. May dalawang pangunahing uri ng geoengineering. Isa rito ay ang greenhouse gas removal kung saan sisipsipin mula sa ating atmosphere ang carbon dioxide at iiimbak ito sa lupa. Ang isa namang paraan ay ang solar radiation management kung saan ire-reflect ang sikat ng araw pabalik sa kalawakan upang pigilan ang pagtaas ng temperatura sa mundo. Halimbawa nito ay ang pagpapakalat ng sulphate aerosol sa stratosphere upang bawasan ang pumapasok na sikat ng araw sa mundo. Sa madaling salita, ang geoengineering ay ang paggamit ng teknolohiya upang manipulahin ang klima upang pigilan ang patuloy na pag-init ng mundo.
Bagamat hindi na bago ang geoengineering sa usapin ng climate change, tumataas muli ang interes dito dahil sa kabiguan ng mga bansang maabot ang kani-kanilang target na pagpapababa ng greenhouse gas emissions. Ang geoengineering ay isa sa mga isinusulong na solusyon umano sa climate change.
Kamakailan lamang ay nagpatawag ang European Union (o EU) ng pandaigdigang diskusyon tungkol sa mga panganib at paraan ng pamamahala sa geoengineering. Nagbabala ang mga lider ng EU tungkol sa mga seryosong panganib ng pagmamanipula sa klima. Anila, walang sinuman ang maaaring magsagawa ng kanya-kanyang pag-e-eksperimento sa ating planeta, sa nag-iisa nating tahanan. Maliban sa mga pisikal na panganib na maaaring idulot ng geoengineering, posibleng ilayo nito ang atensyon natin sa ugat ng climate change, pangunahin dito ang greenhouse gas emissions mula sa pagsusunog ng fossil fuels. Kaya naman nananatiling kontrobersyal ang geoengineering.
Nasa simula na tayo ng tinatawag na fourth industrial revolution na minamarkahan ng mabilis na pagsulong ng digital technologies katulad ng artificial intelligence at robotics. Kaya naman, hindi na nakapagtatakang naghahanap tayo ng technological fix pati sa mga suliraning ekolohikal katulad ng mga epekto ng climate change. Mas nakaaakit para sa mga korporasyon ang pag-develop ng self-driving electric cars kaysa pagtuunan ng pansin ang mass transportation upang tugunan ang problema sa trapik at carbon emissions sa transportasyon. Milyun-milyong dolyar din ang ibinubuhos sa mga teknolohiyang katulad ng geoengineering upang mabawi ang emissions ng mga malalaking kumpanya.
Hindi matutuldukan ang krisis sa klima sa pamamagitan ng mga band-aid solutions. Ang tunay na ugat ng climate change ay ang patuloy na pag-ubos sa mga likas na yaman upang makamtan ang walang-hanggang paglago ng kita sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng ekonomiya. Kailangan ang pagtutulungan ng international community upang baguhin ang nakasanayang paraan ng pamumuhay, produksyon, at pagkonsumo. Paalala nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, ang climate change ay pinalulubha ng modelo ng pag-unlad na nakabatay sa matindi at malawakang paggamit ng mga fossil fuels katulad ng petrolyo.
Marami na rin ang mga isinusulong na estratehiya at balangkas upang tugunan ang climate change nang walang naiiwang mga sektor ng lipunan. Ilan lamang dito ay ang just transition sa renewable energy; pagsulong ng circular economy para tugunan ang problema sa basura; at divestment o pagbawi ng investment sa mga kumpanyang nasa fossil fuel industry.
Mga Kapanalig, hindi maikakaila ang halaga ng teknolohiya sa pagtugon sa kasalukuyang krisis sa klima at pagkamit ng kaunlaran. Gayunpaman, ang daan tungo sa kaunlaran ay dapat sustenable at makatarungan. Hindi lamang nito dapat tinitingnan ang paglago ng ekonomiya. Higit na pinahahalagahan dapat ang pangangalaga sa kapaligiran at pag-unlad na walang iniiwan. Alang-alang sa kalikasan at sa mga susunod na henerasyon, alalahanin natin ang wika sa Genesis 2:15: inilgay tayo ng Panginoon sa mundo upang ito ay pagyamanin at pangalagaan.
Sumainyo ang katotohanan.