2,334 total views
Mga Kapanalig, aabot sa halos 65 milyong piso ang nabawi ng Department of Education (o DepEd) mula sa mga paaralang sangkot sa iregularidad sa pagpapatupad ng Senior High School Voucher Program.
Ano muna ang programang ito?
Ang Senior High School Voucher Program ay sinimulan ng DepEd noong 2016. Tulong pinansyal ito para sa mga nakapagtapos ng grade 10 o junior high school na gustong magpatuloy sa senior high school sa isang pribadong eskwelahan, state o local university o college, o technical-vocational school. Sa senior high school kasi, inaasahang lilinaw ang nais patunguhan ng isang estudyante pagkatapos niyang maka-graduate. Kaya naman, mahalagang makakamit niya ang kinakailangan niyang edukasyon sa paaralang akma sa kanyang layunin sa buhay.
Sa kasalukuyang estado ng ating edukasyon, malaki pa rin ang diprensya ng kalidad ng edukasyon sa mga pribadong institusyon o sa unibersidad. Pero para makapasok sa mga ito, kailangang igapang ng mga magulang ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Ayudang maituturing ang Senior High School Voucher Program. Ang halaga nito ay depende sa lokasyon ng paaralang papasukan ng estudyante. Ibibigay ang pera diretso sa paaralan, hindi sa estudyante.
Pero naabuso ang programang ito, batay na rin sa natuklasan ng DepEd na pinamumunuan ngayon ni Secretary Sonny Angara. Nagbigay kasi ng subsidiya ang kagawaran sa 54 na mga paaralan para sa mga estudyanteng hindi naman pala talaga naka-enroll sa mga ito. Kung may ghost employees sa gobyerno—o mga empleyadong sinusuwelduhan kahit hindi naman sila talaga nagtatrabaho—may ghost students din pala ang Senior High School Voucher Program. Nangyari ang iregularidad na ito noong school year 2021 to 2022 at school year 2022 to 2023. Pasók pa ang mga school years na ito sa huling taon ng termino ni dating Pangulong Duterte at sa unang taon ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte bilang DepEd secretary.
Sa 54 na eskuwelahang may mga ghost students, 38 na ang nakapag-refund o nakapagsauli sa gobyerno. Dalawa naman ang hindi pa nabubuo ang halagang ipinasasauli sa kanila. Labing-apat naman ang hindi pa nakapagre-refund. Padadalhan na raw sila ng DepEd ng final demand letters.
Para hindi na maulit ang ganitong pagwawaldas ng pera ng bayan, nakikipagtulungan na ang DepEd sa Private Education Assistance Committee, isang pribadong organisasyon na binuo ng gobyerno at may mga miyembrong mula sa ilang ahensya nito. May mga inilatag nang sistema para mabantayan ang budget na inilalaan para sa Senior High School Voucher Program. Good job ito para sa DepEd!
Kailangan pa ring malaman kung paanong umabot sa 65 milyong piso ang perang nagamit para sa mga ghost students. May modus ba ang mga opisina at paaralang sangkot dito? Paano ito nakalampas sa mata ng DepEd? Meron bang nakinabang? Dapat silang panagutin ng pamahalaan.
Ang mga programang katulad ng pagbibigay ng voucher (pati na rin ang mga scholarship projects) ay malalaking tulong, lalo na sa mga pamilyang wala o kulang ang kakayahang suportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Sa ating katesismo, kinikilala ng Simbahan ang limitasyon ng mga pamilya para mabigyan ng sapat at angkop na edukasyon ang mga bata, kaya kinikilala natin ang kahalagahan ng mga paaralan. Mahalagang institusyon ang mga ito para sa edukasyon ng ating kabataan.
Kaya, mga Kapanalig, hindi dapat hayaang magamit ang mga paaralan sa katiwalian. Maraming kailangang pahusayin sa sistema at kalidad ng edukasyon sa ating bansa, pero pagtuunan din dapat ng pansin ang mga ayudang baka napupunta sa bulsa ng mga gaya ng inilalarawan sa 2 Pedro 2:19 na mga “alipin ng kasamaan.” Huwag nating hayaang mauwi sa wala ang magandang layunin ng Senior High School Voucher Program.
Sumainyo ang katotohanan.